TUITION FEE HIKE SA UE HINDI NA MAPIPIGILAN
PATULOY ang 4.325% na pagtaas sa matrikula ng University of the East kahit na online at walang face-to-face classes ngayong akademikong taon.
Sumusunod naman ang UE sa pamantayan ng CHED pagdating sa tuition and other school fees increase, tugon ni UE President Ester Garcia sa liham na ipinadala ng Pangulo ng Konseho ng mga Mag-aaral na si Saida Manap at ng UEnited Student Coalition noong Hulyo.
Diin pa ni Garcia, “We have undergone [two] consultations…and we have submitted our reports as required.”
Depensa ng UE, bumaba naman sa P700 ang miscellaneous fees dulot ng pandemya. May ilan ding free ware na ginagamit ang IT na hindi na kasama sa mga babayaran ng mga mag-aaral.
Magkakaroon din umano ng ‘adjustment’ sa mga nakapagbayad na ng surcharge para sa Hulyo 1 to 30, subalit ang hiling ni Manap na magkaroon ng refund sa hindi natapos na semestre noong Marso ay walang basehan.
“As to the refund of tuition fees from previous semester, the request for refund based on unutilized facilities and benefits have no basis considering that the University has performed its obligations to the students amidst the suspension of classes due to the Enhanced Community Quarantine,” sabi ni Garcia.
Ang mga pahayag ng pangulo ng UE ay hayagang kinondena ng koalisyon ng mga mag-aaral.
Una, ang sinasabing konsultasyon noong Pebrero ay hindi umano totoo, bagkus ay ‘announcement’ lamang ng nagbabadyang pagtaas ng matrikula.
Pangalawa, ang dahilang sahod at benepisyo ng pakuldad at ng mga empleyado ang malaking bahagdan ng tuition ay “not a sufficient justification to maintain exorbitant costs on the students,” batay sa isinumiteng liham ni Manap.
Pangatlong punto ng konseho, ang taas ng singil ng UE ay dagdag-pasanin sa mga mag-aaral na nagdarahop ngayong panahon ng pandemya.
‘Oppressive’ umano ang desisyong ito ng UE.
Nangangalit ang mga mag-aaral ng UE sa Facebook at Twitter. Inaasahan namang muling tutugon si Manap, ang konseho, at ang koalisyon, para umapela sa desisyon ni Garcia at ng administrasyon.