Campus

TAIWAN U NAG-ALOK NG SCHOLARSHIP SA PINOY STUDENTS

/ 6 February 2024

MULA sa dating 300, itinaas sa 500 slots ang scholarship na inaalok ng Taiwan Kuhshan University para sa mga Filipino student sa ilalim ng apat na taong study-apprentice program para sa kursong engineering.

Sinabi ni Recruitment and Migration Expert Manny Geslani na noon pang 2019 nang magsimulang tumanggap ng Filipino scholars ang unibersidad kung saan nasa mahigit 400 estudiyante na rin ang nakapagtapos.

Karamihan, aniya, sa mga nagtapos ay agad ding nakapagtrabaho sa mga electronic, manufacturing at assembly plant sa Taiwan at kumikita ng P50,000 hanggang P70,000 kada buwan.

Balak ng unibersidad na mag-imbita pa ng mas maraming estudyante para sa kanilang scholarship program sa pagbubukas ng kanilang tanggapan sa Metro Manila.

Ayon kay Geslani, nakipagkasundo ang KSU sa mga unibersidad para sa pagpapakilala ng kanilang programa para sa mga estudyanteng nais na madagdagan ang kaalaman tungkol sa Artificial Intelligence 1, robotic at iba pang engineering courses para sa apat na taong programa sa ilalim ng kanilang study-apprentice program.

Sa ngayon, aniya, ay naglaan ang gobyerno ng Taiwan sa pamamagitan ng Ministry of Education ng humigit-kumulang 520 million Taiwan dollars para palakasin ang pangangalap ng mga talent para sa kanilang industriya.

Layunin din nito na patatagin ang international cooperation sa Pilipinas sa larangan ng edukasyon .

Sa ilalim ng programa, ang mga estudiyante ay tuturuan ng Mandarin at papayagang makapagtrabaho ng 20-oras sa isang linggo at 40-oras naman kada linggo pagsapit ng kanilang senior years.

Ang programa ay bukas para sa mga graduating senior high at 2nd year college students.