SURVEY SAYS “3 SA 10 COLLEGE STUDENTS ‘DI HANDA SA ONLINE LEARNING
TATLO sa bawat 10 mag-aaral sa kolehiyo ang hindi handa sa online learning na kasalukuyang ipinatutupad ng Commission on Higher Education, ayon sa survey na isinagawa ng University of Mindanao Institute of Popular Opinion.
Mula Setyembre 26 hanggang Oktubre 6, ang UM-IPO ay nagsagawa ng online na panayaman sa 1,171 na college students na naka-enroll sa alinmang kolehiyo o unibersidad sa Lungsod ng Davao.
Serye ang mga tanong na nasa survey na tumutumbok sa usapin ng kahandaan sa teknolohiyang pang-online classes, akses sa online platform na ginagamit, kaalaman sa paggamit ng mga platform na ito, inaasahang antas ng matututunan, at ang saysay ng mga learning platform na ito sa araw-araw na pag-aaral.
Sa pangkalahatang resulta, lumalabas na 34.4 porsiyento ang nagugulumihanan, ‘clueless’, at umaayaw na ipagpatuloy ang pag-aaral gamit ang online modality.
Apat sa 10 o 38.3 porsiyento naman ang nagsabing neutral o hindi pa makapagdesisyon kung sila ba’y okay o hindi sa mga platform pampagkatuto.
Habang tatlo lamang sa bawat 10 mag-aaral ang nagsabing magpapatuloy silang mag-aral at alam nila kung paano yakapin ang kinakailangang teknolohiya sa panahong ng pandemya.
Samantala, 45.9 porsiyento o halos 5 naman ang nagsabing hindi sila makapagkomento kung talaga bang napadali ng online platforms ang pag-aaral sapagkat hindi pa nila ito mapagdesisyonan dahil halos kasisimula pa lamang ng mga klase at ito ang unang akademikong taon nilang makaranas ng ganap at buong pag-aaral mula sa bahay.
Kung tanggap naman ng mga lumahok sa survey ang kasalukuyang sistemang pang- edukasyon, 4 ang nagsabing oo, 4 ang neutral, habang 2 ang hindi sumasang-ayon dito.
Ilang mga kolehiyo sa Lungsod ng Davao ang nagsimula na ng klase mula pa noong Agosto habang karamihan sa State Universities and Colleges ay nagsimula lamang nitong Oktubre 5.