SINING PARA SA KINABUKASAN
Higit apat na buwan na ang nakararaan nang isailalim ang Metro Manila at ilang probinsya sa community quarantine. Apat na buwan na ang nakararaan, ngunit nababahala ang maraming mga estudyante na wala pa ring konkretong plano ang pamahalaan at dama nila ang epekto nito sa kanilang buhay sa pag-aaral at sa bahay.
Isa sa mga nangangamba sa alternatibong moda ng pagtuturo ang incoming grade 9 student na si Cedric Tyron Cal ng Minuyan National High School sa Norzagaray, Bulacan. Bukod sa walang gadget at internet access na maaaring gamitin sa nalalapit na pagbabalik eskwela, panaka-naka rin ang trabaho ng kanyang tatay bilang karpintero at kanyang nanay bilang toll fee collector sa kanilang baranggay. Samakatuwid, malaki ang agam-agam ni Cedric dulot ng kakulangan at kahirapan ng kanilang kalagayan.
Sabi ni Cedric, “Nahihirapan po ako ngayon dahil sa paparating na new mode of learning. Hanggang ngayon po, wala pa rin pong hakbangin ang eskwelahan namin sa pagbibigay ng gadget at wifi para sa online classes. Affected din po ang trabaho nila papa at mama dahil sa pandemya kaya po hindi rin makabili ng laptop.”
Pero nakaisip ng paraan si Cedric para makaipon ng pambili ng laptop at makatulong sa ilang gastusin sa bahay. Dahil sa talento ni Cedric sa pag-guhit, naibebenta niya ang kanyang mga likhang sining sa halagang 250php sa black and white portraits at 300php sa colored portraits.
“Mahigit dalawang taon na rin po nang maisipan kong ibenta ang drawings ko. Nagsimula po ang hilig ko sa pag-guhit noong elementary ako bilang bahagi po ng campus paper sa school—nasa editorial cartooning po ako hanggang ngayon.”
Dagdag pa ni Cedric, “Gusto ko lang po talaga makaipon at makatulong kay mama at papa kaya po gumagawa ako ng portraits. Minsan po wala rin po sila pera, ‘yung art ko po ang nagiging paraan para may pangkain kami. At saka po gusto ko rin ma-express ang sarili ko sa pamamagitan ng drawings ko.”
Narito ang ilang likhang sining ni Cedric
Sa mga nais tumulong at tumangkilik ng sining ni Cedric, hanapin lang ang kanyang facebook account: Cedric Cal o tumawag/mag-text sa cellphone #: 09553859909.