SARAVIA NATIONAL HS HANDA NA SA DISTANCE LEARNING
BILANG paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase, idinaos ang paunang pagsasagawa ng gawain gamit ang iba’t ibang learning modalities sa Saravia National High School sa Koronadal City noong Hulyo 2, sa pangunguna ni principal Mary Anne Prejas.
Sa pamamagitan ng naturang aktibidad, nailatag at ipinakita ang iba’t ibang learning modalities, kabilang ang online learning at module learning na maaaring gamitin sa pagbubukas ng klase.
Sa unang bahagi ng gawain, ipinakita ang pamamahagi at paglikom ng Self-Learning Modules, katuwang ang lokal na pamahalaan at mga pinuno ng malalayong sityo.
Tinalakay rin ni Prejas ang proseso at mga dapat gawin upang matagumpay na makapagpatuloy ang edukasyon na hindi naisasakripisyo ang kalusugan at kapakanan ng mga guro at mag-aaral.
Sa ikalawang bahagi naman ng aktibidad, ipinakita ni Jovy Solis, isang Math teacher, ang magiging paraan ng kanilang pagtuturo sa ilalim ng online learning.
Gamit ang Google Meet, tinuruan ni Teacher Jovy ang napiling 10 mag-aaral na sinaksihan ng mga magulang, opisyal ng barangay, namumuno sa dibisyon ng Koronadal at mga guro.
Ang mahinang koneksiyon ng internet ay hindi naging hadlang sa barangay dahil sa suporta ng lokal na pamahaalan na nagbigay ng libreng internet modems at printer sa bawat pampublikong guro sa siyudad ng Koronadal. Ito ay bilang paghahanda sa bagong sistema ng edukasyon.
Sa tulong ng aktibidad, nagkaroon ng higit na kaalaman at kahandaan ang mga mag-aaral at mga magulang sa pagbubukas ng klase.
“Mabuti na lang at napaunawa at naipakita sa aming mga magulang ang mangyayari sa pagbubukas ng klase sapagkat sa totoo lang ay natatakot ako para sa aking anak at gusto kong pahintuin muna siya sa pag-aaral ngayong taon, ngunit sa aking narinig ako’y naging panatag na,” wika ng magulang na si Ginang Tayona na dumalo sa paunang gawain.
Naging matagumpay at makabuluhan ang pagsasagawa ng aktibidad sa pakikiisa at pakikipagtulungan ng mga mag-aaral, mga magulang, mga guro at ng lokal na pamahalaan na siyang katuwang ng Department of Education (DepEd) sa pagtaguyod ng ligtas at angkop na edukasyon sa kabila ng mga hamon at nararanasang pandemya ng bansa.