ROSAURO ALMARIO ELEMENTARY SCHOOL SA TONDO PATATAYUAN NG 10- PALAPAG NA GUSALI
NAIS ni Manila Mayor Isko Moreno na patayuan ng 10-palapag na gusali ang kaniyang alma mater na Rosauro Almario Elementary School sa Tondo, Maynila.
Sa pulong noong nakaraang linggo, inihayag ni Moreno ang nais niyang mangyaring development sa RAES. Ipinakita niya, kasama ng mga inhinyero, ang krokis sa pagtatayo ng 10-palapag na gusaling naglalaman ng fully-airconditioned classrooms, auditorium, science laboratory, at soccer field.
Eco-friendly pa ang naturan dahil glass windows ang disenyo nito. Papasok ang liwanag mula sa sikat ng araw nang hindi gumagasta nang malaki sa koryente.
Nasa 9,000 estudyante, guro, at kawani ang tinatayang magkakasya rito at bilang alumnus ng paaralan, sisikapin ni Moreno na maitayo ang RAES Extension sa lalong madaling panahon.
Sabi pa niya, hindi basketball court, kundi world-class na paaralan at dekalibreng edukasyon ang kailangan ng mga batang Tondo upang magkaroon ng bagong kinabukasan.
Kaalinsabay rin ang nakaambang retrofitting ng flagship school ng Maynila, ang Manila Science High School sa Ermita. Susundan ito ng pagsasaayos ng mga paaralan sa Distrito 2 hanggang 6.
Kasalukuyan nang nakikipag-usap ang pamunuan ni Moreno sa Development Bank of the Philippines para masustena ang mga proyekto.