Campus

ROBIN PADILLA SINOPLA NG MGA HISTORYADOR: DLSU ‘DI ITINATAG NG MGA KASTILA

/ 6 May 2021

AGAD na pinasungalingan ng grupo ng mga historyador at mga guro ng Kasaysayan ng Filipinas ang pahayag ng aktor na si Robin Padilla na ang De La Salle University ay itinayo noong panahon ng pananakop ng mga Kastila.

Sa isang video recording na in-upload ng aktor sa kanyang Facebook Page noong Mayo 2, maririnig ang deklarasyon niyang ang DLSU, gaya ng Ateneo de Manila at Unibersidad ng Santo Tomas ay itinatag lamang para sa mga insulares, peninsulares, at mestizos.

“Are you from Ateneo? De La Salle? UST? All Spanish established schools for insulares, peninsulares, and mestizos. You don’t need to be a doctor of anything to accept reality,” sabi ni Padilla.

Nang maging trending sa social media, isa-isang naglabasan ang paliwanag ng mga Lasalista lakip ang mga ebidensiyang mali ang tinuran ni Padilla.

Mababasa sa website ng DLSU, “De La Salle University was established in 1911 by the Catholic teaching congregation Brothers of the Christian Schools (FSC, from the Latin: Fratres Scholarum Christianarum).”

“Thus, the American Archbishop of Manila, Jeremiah Harty, turned to the Brothers to pave the way for the introduction of English-based quality Catholic education in the country. After some hesitation because the endeavor demanded teaching the sons of the economic elite rather than the poor, the Brothers eventually relented, conceding that ‘upper-class children also needed good moral and spiritual training’. On June 16, 1911, nine brothers from Europe and the United States opened in the district of Paco, just outside the walls of the old city of Manila, the first La Salle school in the Philippines,” nakasaad pa sa website.

Gayundin, kagyat na nag-post ang High School Philippine History Movement ng empirikal na datos tungkol sa pinagmulan ng nasabing unibersidad.

“Hindi po ito itinatag noong panahon ng Espanyol o ng mga Kastilang prayle. These are irrefutable historical facts. Walang personalan. Katotohanan lamang po,” psgbibigay-diin ng grupo.

Binalaan pa nila ang publiko na huwag basta-basta maniniwala sa mga nagpapanggap na historyador pero hindi naman tunay na nag-aral ng kasaysayan.

“Makinig po tayo sa mga eksperto. Iwasan pong magpaniwala sa mga pseudohistorians [na] kung [sino-sino] lang.”

Hindi ito ang unang beses na nasadlak sa intriga si Padilla. Kalakip din ng nasabing video ang tila pagdepensa niya sa mali-maling talumpati ni Senador Bong Go tungkol kay Lapulapu. Bagaman humingi na ng tawad si Go at nilinaw na ng National Historical Commission of the Philippines na Visayan ang bayani, taliwas sa claim na Tausug ito, todo argumento pa rin ang aktor.

“Walang puwedeng magsabing may mali dahil wala namang…mayroon bang video? Wala namang video. Ang tanging makapagpapatunay riyan ay kung mayroong isang time traveler doon, na na-video niya at nainterbyu niya ang mga tao,” pagmamalaking sabi ni Padilla.

Dumiskurso pa ito at nagwikang hindi aaminin ng mga Espanyol na Moro ang pumatay kay Magellan ‘para pangalagaan ang relihiyon’.

“Kung ikaw ay dumating sa bansang ito, kinikilala ng Spain si Magellan na hero. Papayag ka ba na pumatay kay Magellan, Muslim?,” tanong niya sa mga manonood.

Dahil sa sunod-sunod na kamalian, lalong umiigting ang panawagan ng mga gurong ibalik ang pagtuturo ng kasaysayan sa high school.

“Ibalik ang Philippine History sa High School! Kasaysayan huwag kalimutan!,” ayon sa HSPHM.