PNU HINIKAYAT ANG KOMUNIDAD NA GAMITIN ANG FILIPINO NGAYONG BUWAN NG WIKA
NAKIKIISA ang Pamantasang Normal ng Pilipinas sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto sa pamamagitan ng paghikayat sa kanilang komunidad na gamitin ang wikang Filipino bilang opisyal na midyum ng komunikasyon.
Ayon sa memorandum bilang 155, serye 2020, na inilabas noong Agosto 3, inaasahan ng administrasyon ng pamantasan na makikiisa ang kanilang komunidad na maging bahagi sa pagdiriwang sa buwan na ito.
“Ang Pamantasang Normal ng Pilipinas ay buong siglang nakikiisa sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2020 na may temang ‘Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika: Ang Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya’,” nakasaad sa memorandum.
Nakahati sa apat na lingguhang tema ang selebrasyon, ayon sa KWF.
Para sa unang linggo, mula Agosto 3 hanggang 7: ‘Pagtangkilik sa Katutubong Wika bilang Pagpapahalaga sa mga Pamanang Pangkultura sa Panahon ng Pandemya’.
Para sa ikalawang linggo, mula Agosto 10 hanggang 14, ‘Katutubong Wika: Wika ng Pagtugon at Artikulasyon ng Bayanihan sa Panahon ng Krisis at Pandemya’.
Para sa ikatlong linggo, mula Agosto 17-21, ‘Kamalayan sa Kasaysayan sa Pagsasawika ng Karansan tungo sa Bayanihan sa Panahon ng Pademya’.
Para naman sa huling linggo, mula Agosto 24 hanggang 28, ‘Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya’.
Upang mabigyan ng kaunting hinuha, isinambit ng KWF na mayroong 130 na wika ang bansa at 40 sa mga ito ay nanganganib na mawala.