PISAY SCHOLARS MAY LIBRENG ONLINE TUTORIAL SERVICES
ITINATAG ng isang grupo ng mga iskolar mula sa Philippine Science High School-Cagayan Valley Campus ang isang non-profit organization na naghahandog ng libreng online tutorial services sa mga mag-aaral ng Science, Technology, Engineering, and Mathematics Senior High School Strand sa buong Filipinas.
Ang organisasyon, na pinangalanang π-oneers (o pioneers) ay may higit 350 volunteer tutors, na tinatawag nilang ambassadors, na handang-handang magturo ng agham at matematika sa mga mag-aaral na nahihirapan habang nag-o-online class.
Ilan sa kanila ay may espesyalisadong kurso gaya ng Biology, Chemistry, Physics, Calculus, Algebra, Trigonometry, Statistics, at marami pang iba.
Ang π-oneers ay pinasimulan ng noo’y Grade 12 students na sina Joanne Micaela Dizo at Edrian Paul Liao, kapwa nasa Pisay Cagayan Valley. Nabuo ang grupo nito lamang Mayo 2020 sa maliit na layuning maagapayan ang mga kamag-aral sa ilang araling mahirap intindihin kung naka-module lamang.
Kuwento ni Dizo sa isang panayam, “Edrian reached out to me last May 2020. At first I thought I had accepted his invite because I had some free time…. But later I realized that what I’m most passionate about is being able to help anyone in need.”
Noong una ay nagdadalawang-isip pa siya sapagkat hindi niya tiyak kung kakayanin niyang magturo sa maraming tao, kahit na online ito’t hindi personal. Basta’t nasa isip niya’t tulungan si Liao sa bayanihang gustong maisakatuparan.
“At first I was skeptical if I could teach a large audience, because back then, I was only used to helping and teaching a few of my friends whenever they had difficulties with math. But I decided to take the risk, as I was trying to be more open to opportunities,” pagbabahagi ni Dizo.
Para naman kay Liao, ang inisyatiba ay pagbabalik sa lahat ng itinuro ng Pisay sa kanila ni Dizo. Gayundin, ito’y ‘pushing beyond my limits’ yamang unang beses na magtatatag ng malaking grupo ang naturang iskolar.
“What motivated me to pursue this project is my yearning to grow and to be pushed beyond my limits. And with this project, I am thankful that we were able to help students adjust to the new normal setting in our current education system,” wika ni Liao.
Sa ngayon ay mayroon nang 84 tutees ang grupo. Bisitahin lamang ang https://www.facebook.com/cvcpioneers o ‘di kaya’y mag-sign up sa https://forms.gle/qgN5JjqZQ3coV3aM8.