PISAY PATULOY NA TUMATANGGAP NG APLIKASYON PARA SA 2020 NCE
TULOY pa rin ang pagtanggap ng Philippine Science High School System ng mga aplikasyon mula sa mga nagtapos sa ika-6 na baitang na nagnanais maging iskolar ng siyensiya at agham sa akademikong taon 2021-22.
Nagsimula ang pagsusumite ng mga dokumento para sa National Competitive Examination noong Agosto 1 na magtatapos sa Disyembre 11 para sa mga pribadong paaralan at Disyembre 18 para sa mga
pampublikong paaralan.
Sa Pebrero 6, 2021 gaganapin ang NCE. Hindi na nito nasunod ang tradisyong eksaminasyon kada Oktubre dahil sa patuloy na banta ng Covid19.
Sino ang maaaring mag-aplay?
Sinumang mag-aaral na magtatapos sa ika-6 ina baitang sa saan mang paaralang kinikilala ng Kagawaran ng Edukasyon ay maaaring mag-NCE. Dapat din na siya ay mayroong:
- Pinal na marka sa Science at Mathematics na hindi bababa sa 85%. Kung hindi, siya ay dapat na kabilang sa unang 10% ng mga magsisipagtapos;
- Filipino at walang pending na aplikasyon para magingmigrante sa ibang bansa;
- Mas bata sa edad na 15 simula Hunyo 30;
- Mayroong satisfactory (o mas mataas) na marka sa character rating;
- Hindi pa nakapag-NCE;
- Malusog ang pag-iisip at pangangatawan para harapin ang mapanghamong akademikong aralin sa Pisay.
Ano ang mga isusumite?
Kasama sa mga hinihinging dokumento ang mga sumusunod:
- Application form (dalawang kopya);
- 1×1 ID picture (dalawang kopya);
- P300 na bayad sa eksam para sa mga magtatapos sa pribadong paaralan, libre para sa mga pampubliko);
- Kopya ng mga marka noong 2019-2020;
- Katibayan ng pagiging iskolar noong elementarya, kung mayroon.
Ano ang nilalaman ng NCE?
Apat na hati pa rin ang NCE sa 2021 – Scientific Ability, Quantitative Ability, Abstract Reasoning, at Verbal Aptitute. Iraranggo ang mga aplikante
batay sa kanilang iskor at ang mga papasa lamang ay yaong makapapasok sa karampatang bilang ng mga mag-aaral na kayang tanggapin ng bawat kampus sa buong bansa.
Iskolarsyip
Awtomatikong iskolar ng Department of Science and Technology ang lahat ng mga papasa sa NCE. Sila ay makatatanggap ng libreng matrikula, libreng libro, buwanang stipend, uniporme, badget sa transportasyon para sa mga indigent, at dormitoryo kung kailangan.
Walang anumang balita sa suspensiyon o pag-urong ng mga petsang nabanggit, bagaman patuloy na
binabantayan ng The POST ang Pisay sakaling mayroong mga pagbabago.