PARENTS ACADEMY PROGRAM SA BAGUIO CITY
BILANG paghahanda sa nalalapit na pagbubukas klase, ang Schools Division ng Baguio City at Federation of Parents-Teachers Association ng Baguio City ay binuo ang Parents Academy Program para sa mga magulang upang mas maintindihan umano nila ang kanilang papel at importansya sa edukasyon ng kanilang mga anak sa panahon ng new normal.
“Malaki talaga ang role ng mga parents, kaya nga po ay… we are looking forward to the Parents Academy… at dahil dito… we will equip the parents with sufficient knowledge and skills… ‘yan ang sinasabi natin na ang edukasyon ay primary duty ng parents na nakasaad po ‘yan sa konstitusyon” paliwanag ni Atty. Ron Perez, president ng FPTA.
Ang Parents Academy ay umano’y isang programa na aagapay sa magulang at maghahanda sa pamilya sa pamamagitan ng mga talakayan tungkol sa tungkulin ng mga magulang; paglago ng mga teenager; pagpapaliwanag ng mga programa ng paaralan at ang pag-aaral sa tahanan.
“Ang DepEd sa lungsod ng Baguio ay masusing nakipag-ugnayan sa mga magulang noong Abril upang malaman ang sitwasyon ng kanilang mga anak. Kinuha rin natin ang kanilang pananaw upang matantya ang kanilang pakiramdam tungkol sa pagsimula ng klase. Marami sa kanila ang nagsabi na hindi nila naiintindihan ang mga learning modalities at sila ay nag-aalala. Ito ang nagbunsod sa Parents Academy upang masuportahan ang mga magulang at maihanda ang mga pamilya sa kanilang gagampanang papel sa pagpadaloy ng pagkatuto sa mga tahanan ngayong panahon,” pahayag naman ni Soraya Faculo, Assistant Schools Division Superintendent.
May apat umanong bahagi ang Parents Academy: 1) pagpapalago ng kaalaman at kasanayan sa pamamagitan ng mga seminar na pangungunahan ng FPTA at ng organisasyong Champions of Hope; 2) Parenting Power: Guidebook for First Teachers ay isang manwal na mapaghahalawan ng mga magulang ng mga gabay at aral tungkol sa mga pamamaraan sa pagtulong sa kanilang mga anak sa pag-aaral, at ano ang mga tulong sa pag-aaral (learning resources) na makikita sa Baguio; 3) Events- ang bahaging ito ay magtataguyod ng mga parents fairs at pagkikita ng mga magulang sa panahong maayos na ang sitwasyon; d) Parents’ Portal – isang online na pahina na maaaring mapagkunan ng impormasyon ng mga magulang.
May mga preliminary na aktibidad nang nagawa ang Parents Academy ‘gaya ng mga dayalogo, survey, adbokasiya at pakipagtulungan sa pamahalan ng Baguio at sa mga organisasyon ng lungsod.
Ang Bottled Voices Parents Edition ay isang dayalogo na dinaluhan ng mahigit 500 na mga magulang kasama si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na kung saan ipinangako ng alkalde ang kanyang suporta sa programa.
Katuwang ang FPTA sa pagsasagawa nito, at ang mga opisyal ng Division ay nakibahagi bilang mga panel member.