PAG-AARAL SA TOYOTA MOTOR PHILIPPINES SCHOOL OF TECHNOLOGY BLENDED LEARNING NA RIN
UPANG patuloy na makapagbigay ng dekalibreng technical-vocational education sa mga Filipino, sinikap ng Toyota Motor Philippines School of Technology na iadap ang blended learning modality sa panahon ng pandemya.
In-update ng TMP Tech ang kurikulum nito sa pamamagitan ng pagsasanib ng online teaching, self-learning modules, at face-to-face sessions.
Online classes at modules ang sanib na modalidad sa mga kursong may sandigang teoretikal. Ang mga instruktor ay gagawa ng mga module na maaaring aralin ng mga mag-aaral sa oras na naisin nila habang mayroong mga scheduled online class para sa mga sabayang talakayan.
Online classes at limited face-to-face interactions naman ang uutilisahin sa mga kursong nangangailangan ng hands-on training. Habang sinusunod ang panuntunang pangkalusugan ng Inter-Agency Task Force at Department of Health, ang mga mag- aaral ay itatakda sa harapang pagsasanay sa TMP Tech Workshop.
Para naman mahikayat ang mga mamamayan na magpatuloy pa rin sa pag-aaral, itinuloy rin ng TMP Tech ang pagbibigay ng scholarship grant sa mga kalipikadong enrollees sa buong bansa.
Nito lamang unang hati ng 2020 ay limang milyong piso ang alokasyon ng GT Foundation, Inc. para sa pag-aasikaso ng gastusin sa pag-aaral ng mga marhinalisadong estudyante.
Inilunsad na rin nila ang Study Now, Pay Later program para mas marami pa ang makalahok sa kasalukuyang akademikong taon.
Sakop ng iskolarship ang mga regular courses ng TMP Tech gaya ng Toyota General Job Automotive Servicing Course, Automotive Body Repairing Course, at Automotive Body Painting & Finishing Course.
Para sa mga interesadong maging bahagi ng naturang paaralan ay maaaring bisitahin ang kanilang Facebook page, o kung malapit ay magpa-iskedyul ng miting sa Santa Rosa Laguna Campus.