P5K CASH ASSISTANCE SA UP FACULTY, EMPLOYEES
DAHIL maraming Filipino ang naapektuhan ng pandemya, minabuti ng University of the Philippines System na mamahagi ng P5,000 cash assistance sa lahat ng mga miyembro ng pakuldad, REPS at kawaning administratibo ngayong buwan ng Disyembre.
Ayon sa pinakahuling memorandum ng UP Office of the President, ang pinansiyal na ayuda ay ‘for economic hardships caused by the Covid19 pandemic’.
Ipinaliwanag ni UP President Danilo Concepcion, sa pamamagitan ni UP Vice President for Administrative Affairs Teodoro Herbosa, na ang pamamahagi ng tulong ay pagkilala sa hirap na dinaranas ng buong sistemang UP.
“As we transition to the new normal work operations, the Covid19 pandemic remains to have a significant and continuing impact on our employees and their households, especially in terms of finances. Recognizing the financial needs that UP employees and their families may have during these trying times, the grant of the Cash Assistance for Economic Hardship caused by the pandemic to eligible employees in the amount of PhP 5,000 is hereby authorized, per BOR approval at its 1356th Meeting on 26 November 2020,” nakasaad sa memo.
Sinumang miyembro ng pakuldad, REPS, kawaning administratibo, regular man, permanente, temporary, UP contractual o casual o substitute, na aktibong nagseserbisyo sa UP hanggang Disyembre 1, 2020 ay maaaring makatanggap ng naturang ayuda.
Gayundin, ang mga empleyadong umalis sa pamantasan bago ang nasabing petsa ay makatatanggap din ng prorated cash assistance mula P1,000 hanggang P3,000.
Inaasahang maibibigay ang tulong sa susunod na linggo bago magsara ang mga opisina sa Disyembre 18.