NO SHIFTING POLICY SA MGA UNIBERSIDAD
SA BANSA na kung saan edukasyon ang isa sa mga pangunahing paraan para makaahon sa kahirapan ay pinapangarap ng bawat kabataan ang makapag-tapos ng pag-aaral. Bagamat isang tagumpay ang makatungtong sa kolehiyo, ibang usapin pa rin ang maka-graduate sa piniling larangan. Pero sa totoo, sa kulturang mayroon tayo ay big deal ang maka-graduate on-time lalo na kung with honors.
Hindi na bago sa atin na ang edukasyon na mayroon ang Pilpinas ay nakabalangkas sa kanluraning edukasyon at manipulado ng mga elitisa at lokal na mga alipores ng imperyalistang kaayusan. Hindi nito hinuhubog at hindi hahayaan ang malalim at kritikal na kamalayan ng mga Filipino.
Sabi ni Bienvenido Lumbera sa kanyang artikulong Edukasyon para sa iilan: Kung Bakit Asal-Mayaman si Pedrong Maralita, “Hindi ito kataka-taka, sapagkat sa sistemang kapitalismo ang isang pabrika upang hindi malugi ay dapat gumawa ng produktong tumutugon sa pangangailangan ng mamimili. Ang pabrika, sa paghahambing na ito, ay ang paaralan, at ang mamimili ay mga taong nagpapadala ng mga anak nila sa paaralang yaon.”
Kaya naman hindi maiiwasan tanungin ang mga sumusunod: anong edukasyon ang nagpapalago? Edukasyon para kanino? Sino ang makikinabang? Para sa ilang mga estudyante, hindi sapat na araw-araw lang silang nakakapasok sa klase—ang iba sa kanila ay hinahanap din ang kanilang mga sarili bilang mga Pedrong Maralita sa mga paaralang pantangi.
Si Paps na nasa kursong Computer Engineering sa University of the East ay piniling tumigil muna sa pag-aaral dahil una, hindi na siya masaya sa kursong napili at ikalawa, dahil sa anti-estudyanteng matrikula ngayong panahon ng pandemya.
Sinalaysay ni Paps ang set-up ng kanyang pag-aaral na parang study now, pay later. Ang rason sa pagpili niya ng kursong Computer Engineering ay ang kanyang magulang at ibang kamag-anak. Tita niya ang halos tumutustos sa mga gastusin sa eskwela. Kapag nakatapos ng kolehiyo, papapuntahin siya sa abroad para doon magtrabaho. Pero taliwas ito sa kanyang kagustuhan. Kahit na maaaring madismaya ang kanyang magulang/tita at nakakapanghinayang ang isang taong nagastos na matrikula sa Computer Engineering, nandoon pa rin ang kanyang pananabik sa kursong AB Filipinolohiya sa Poleteknikong Unibersidad ng Pilipinas.
“Walang buhay. Hindi mo nakikita ang sarili mo pagtapos. Parang may kulang o parang empty at all. Oo, nakakasabay naman sa mga lecture, nakaka-ace sa exams. Pero wala eh. Parang wala akong nagi-gain sa sarili kasi hindi ko naman gusto.” Dagdag pa ni Paps, “Naging malungkutin ako. Gustong mag-isa lang most of the time. Diretso uwi. At pagkatapos gumawa ng mga requirements, diretso tulog. Napansin kong ina-isolate ko ang sarili out of nowhere. Umiiyak kahit walang dahilan. Walang nararamdaman. Tanging bigat. Habang tumatagal hindi ko na alam ang gusto kong gawin sa buhay.”
Ganito rin ang sitwasyon ni Yumi na mag-aaral sa PUP sa kursong AB Journalism. Nabanggit niyang Philippine Studies sa Unibersidad ng Pilipinans, o AB Filipinolohiya sa PUP ang kanyang 1st choice. Naubusan siya ng slot kaya hindi nakapasok sa mga nabanggit na kurso. May pagkakataon sana siyang mag-shift kaso dahil sa pandemya ay kinapos ng oras sa pag-aayos ng requirements sa UP at hindi naman priority ng registrar ng PUP ang mga shiftees. May mga pagkakataong hindi na siya ginaganahan sa pag-aaral at palaging sumasagi sa kanyang isip ang mga what if.
“Bago kasi magkolehiyo naplano ko na ang buhay ko sa kursong gusto ko. Ngayon, start from scratch ulit at parang nawalan na ako ng sense of direction. Actually, sinubukan kong mag-apply sa Malikhaing Pagsulat sa UP, kapag makapasa may pagkakataon na makapagpatuloy ng Philippine Studies. ‘Yun nga lang babalik ako ng 1st year college at hindi payag ang magulang ko. Dagdag taon sa pag-aaral, dagdag pasanin o gastos kila papa at mama. Gusto na rin nila ako maka-graduate sa lalong madaling panahon para makatulong sa mga gastusin. Dalawang taong delayed din dahil sa K-12 program.” Nang tanuning si Yumi kung bakit Philippine Studies ang gusto niyang tahaking larangan, “Curious akong pag-aralan ang Pilipinas sa mas malalim na perspective partikular ang kultura at wika. ‘Yung journalism kasi pwede ko pa rin naman gawin kahit hindi yun ang kurso ko.”
Isa pang may agam-agam sa kursong kanyang tinatahak ay si Jade. Siya ay nag-aaral ng Bachelor of Filipino Education sa Phlippine Normal University. Pangarap naman ng kanyang mga magulang ang nagtulak sa kanya para piliin ang kurso. Hindi natupad ng kanyang magulang ang pagiging guro at ganoon din ang kanyang nakakatandang kapatid kaya naman inaasahan na siya ang unang magiging guro sa pamilya. Pero kung siya ang magdedesisyon ay Politcal Science/Sociology/Film Studies ang napupusuan niyang mga kurso. Malaki ang epekto sa kanyang pagkatao at pag-aaral ang ganitong sitwasyon.
“May pangamba na kapag nasa totoong klasrum na at isang ganap na guro ay hindi ko magampanan ng maayos ang aking tungkulin. Takot dahil nararamdaman kong unti-unti ko nang nililimot ang mga bagay na gusto ko dahil yung iba ay hindi angkop sa kurso ko ngayon. Pero tinatapos ko ang kurso ko para sa mga magulang ko kung kaya’t kahit mahirap pinaglalaanan ko ng atensyon upang hindi ko sila mabigo.” Wala naman balak si Jade na magpalit ng kurso dahil sayang ang oras, gastos at hindi praktikal para sa kanyang magulang ang mga maaaring lipatang kurso.
Para naman kay Aki na mag-aaral ng BS Statistics sa PUP, malaking pagkabigo ang paglipat niya mula Science High School patungong Media Arts High School. Inaasahan ng kanyang magulang na Engineering ang kursong kukunin ngunit naramadaman niya ang takot sa aptitude test. Kaya sa unang araw ng enrollment kahit kumpleto siya ng requirements, pasok ang score ng entrance exam at may available slots hindi pa rin niya itinuloy ang engineering. Nalaman niyang malawak ang sakop ng BS Statistics kaya napunta siya sa kursong ‘to. Kung siya ang tatanungin at papipiliin, Fine Arts major in Visual Communication o Interior Design sana sa UP.
“Una hindi ako nakapasa sa UP. Pangalawa, hindi naman ako kayang pag-aralin sa may mataas na matrikula. Kaya PUP lang ang choice ko. Pangatlo at pinakamabigat sa lahat, wala raw akong magiging trabaho pagtapos.” Ani pa ni Aki, “Ikatlong taon ko na sa BS Statistics, irregular, may tatlong back subjects at sinsikap humabol sa mga pagkukulang sa akademya. May mga lessons at skills na hindi ko nakuha noong Senior High School. May mga lessons mula sa back subjects na kailangan sa iilang major na mag-isa kong iniintindi. Mahirap lalo pa’t tumatanggap ako ng extrang trabaho sa film production. May mga araw na pumapasok ako ng walang tulog. May mga gabi na habang nasa shoot nag-rereview ako ng formulas. May mga panahong bagsak na ang katawan ko at hindi nakakapasok. Apektado ang pag-aaral ko at pinapatigil na ako sa film production. Pero dito ako masaya. Sinunod ko silang kumuha ng kursong may garantiyang trabaho, kaya sana intindihin nila na ito lang ang paraan na maabot ko ang pangarap ko sa larangan ng sining.”
Hindi naman natuloy ang plano ni Maria na mag-aral ng BS Nursing sa Far Eastern University (FEU) dahil sa kakulangan ng pera. Kaya naman napilitan siyang bumalik sa PUP at kunin ang kursong BS in Secondary Education major in Filipino.
“Kung bibigyan ako ng pagkakataon na may sapat na pera hanggang sa huli ay alin man sa dalawa: BS Nursing o Psychology para maisakatuparan ang pangarap na maging isang Neurologist.” Naging hadlang sa pangarap ni Maria ang pera at panahon. Hindi kasi laging mabenta ang kanilang paninda sa sari-sari store at ayaw niyang dumating sa puntong magkautang-utang sila. Sinubukan niya ring kumuha ng scholarship sa mga government institution kaso hanggang ngayon ay wala siyang nakukuhang allowance. Mahirap din para sa kanya ang magpalit ng kurso dahil sa naging epekto ng K-12 na dagdag dalawang taon sa pag-aaral at iniisip niya kung hanggang kailan kakayanin ng kanyang mga magulang ang pagsuporta sa pag-aaral. Sa ngayon, nakakatanggap si Maria ng diskriminasyon ng dahil sa major in Filipino ang kurso niya.
“Minsan inaamin ko na na naisip kong mag-transfer, ngunit hindi ko itinutuloy kasi sa kabilang banda, ginising niya ang aking diwa at naiugnay rin naman sa sining ang kurso ko,” ani ni Maria.
Ang edukasyon ay isang epektibong instrumento sa paghubog ng isipan ng mamamayan. Ginagamit ito ng estado para palaganapin ang kolonyal na mentalidad na magsisilbi sa neoliberal na balangkas. Hindi pinapakita ang papel ng indibidwal sa lipunan at ng lipunan sa indibidwal, sa halip ay pinapatimo na ang kapalaran ng indibidwal ay nasa kanyang kamay. Inilalayo din ang isip ng mga mamamayan sa pagiging kritikal sa kasalukuyang kaayusan at sila’y ginagawang mga sunud-sunuran.
Sa huli, hangga’t komersyalisado at para sa iilan ang edukasyon marami pang mga Paps, Yumi, Jade, Aki at Maria ang pagkakaitan ng pagkakataon at pag-asang guminhawa ang kinabukasan.
*pinalitan ang mga pangalan sa ngalan ng seguridad.