MNHS PATULOY ANG KONSULTASYON SA MGA MAGULANG AT LGU
TULOY-TULOY ang konsultasyon na isinasagawa ng Muñoz National High School ng Schools Divisions Office ng Isabela sa Region 2 sa mga magulang kaugnay sa pagpapatupad ng ligtas na balik-eskuwela.
Ito ay para na rin mapag-aralan ang opinyon at suhestiyon ng mga ito tungo sa maayos na pagbabalik-eskuwela sakaling payagan na ito.
Ayon kay Principal Rushel Lazaro, bumuo ang MNHS ng “Accelerating, Youthful, Outstanding and Sustainable Muñoz” o #AYOSMuñoz Back-to-School Task Force na magiging kaagapay nito sa pamamahala at pagpapatupad ng mga alituntunin kapag nakasali na ang paaralan sa limited face-to-face classes,
Isinasagawa ng eskuwelahan ang maigting na pagpaplano at pag-iiskedyul ng mga mag-aaral na maaaring lumahok sa face-to-face classes.
Pabor naman ang ilang magulang, kabilang si Maria Era G. Caballero, na ibalik ang face-to-face classes.
“Mas mapagtutuunan ng pansin ng mga guro ang mga bata at maaalalayan ang mga ito lalo na ang mga learner na hirap ang magulang sa pag-alalay sa kanilang pag-aaral,” ani Caballero.