Campus

MILITARY CAREER INIALOK SA PUP GRADUATING COLLEGE AT SHS STUDENTS

/ 14 June 2021

TALIWAS sa inilalarawan ng ibang mga mag-aaral na anti-militar ang Polytechnic University of the Philippines, kabilang ang military career sa iniaalok ng nasabing state university sa mga magtatapos sa kolehiyo, gayundin sa senior high school.

Sa official Facebook page ng PUP ay naka-post ang College to Career Webinar Series kung saan unang inialok ang pagkokonsidera na pasukin ng mga learner ang military life.

Naging moderator sa webinar si Dr. Jacel D. Mabansag, director ng International Affairs Service sa EARIST.

Nagsalita naman para kay Philippine Military Academy Superintendent Lt. Gen. Ferdinand Cartujano, PAF,  ang kanyang Public Information Office Chief na si Lt. Christine Mae Calima.

Kabilang naman sa mga panelist para magbigay ng testimonya na magandang piliin ang military career sina Col. Agusto Padua, PAF, Executive Officer of Operations Staff  sa tanggapan ng PAF commading general; Maj. Carlos Ely Tingson, PA, Data Protection Officer ng Presidential Security Group; at Capt. Mary Maureen Susarno,PA. Admin Assistant sa tanggapan ng Army Commanding General.

Bago ang webinar ay ipinakita ang video footage ng paglilingkod ng mga sundalo sa bansa bilang Tagapagtanggol, Tagaligtas at Tagapaglingkod.

Naging tulay naman para sa pag-aalok ng military career si Kabayan Partylist Rep. Ron Salo at ang kanilang FB page ang nag-share ng nasabing webinar.