“MARAMING SALAMAT SA GADGET, MA’AM JOAN”
VIRAL ngayon sa Facebook ang dakilang propesor na si Joan Jimenez ng Arellano University at Navotas Polytechnic College sa pagbibigay niya ng tulong sa isa sa mga estudyanteng nangangailangan ng gadget para sa online class.
Ayon sa kaniyang kuwento, isang araw ay nakatanggap siya ng mensahe mula sa isa sa kaniyang mga estudyante na nagsasabing wala itong magagamit na anumang gadget para makadalo sa online class bukod sa isang luma at de-keypad na telepono. Noong una’y kinokonsidera pa nitong mag-drop na lamang at hindi magpatuloy sa pag-aaral, subalit mawawala umano siya sa iskolarsyip sakaling ituloy niya ang balak.
Kinausap ng naturang estudyante ang kaniyang mga propesor na kung maaari’y humingi na lamang siya ng self-learning modules kahit na hindi siya sigurado kung papayag ang mga ito.
Agad na gumawa ng paraan si Jimenez upang kontakin ito at ibigay ang biniling smart phone na magagamit sa pagdalo sa mga klase. Nakipag-ugnayan si Jimenez sa kinatawan ng klase upang makatagpo nang personal ang estudyanteng nangangailangan ng tulong.
“Hindi ako mayaman pero malambot ang puso ko sa totoong nangangailangan. First time kitang naging student hindi pa nga tayo nagkakaharap ng actual kasi nga sa pandemic. Pero nung nag-chat ka sa akin para sabihin na hindi mo kayang mag-online class dahil keypad lang ang gamit mong cp at namasukan ka lang bilang helper at ayaw mong mag-drop at gustong makatapos dahil sayang ang scholarship mo, sobrang naantig ang puso ko. Kaya sinabi ko sa sarili ko na ibibili kita ng 2nd hand na cp para may magamit ka sa online class natin,” pagbabahagi ni Jimenez.
Laking pasasalamat ng estudyante sa tulong ng kaniyang guro. Kahit papaano’y naibsan ang kaniyang alalahanin ngayong lubhang kailangan ng gadget sa pagdalo sa synchronous classes at pakikipag-ugnayan sa mga kamag-aral at propesor sa marami niyang klase.
“Maraming salamat, ma’am, napakalaking tulong po iyan sa akin, hindi kasi nakapag-ipon para sa cp q kasi dati wala aqng trabaho Ngayon lng po aq nakapagtrabaho kasi quarantin and then ubos pambayad sa boarding house. Ngayon lng din aw nakalipat sa bahay ng amo q kasi umalis ang stay in sa Kanila…kaya laking pasalamat q po sa inyo,” mensahe ng mag-aaral.
Basahin ang kuwento ni Ma’am Joan:
https://www.facebook.com/joan.jimenez.14/posts/3661728987193096