LIBRENG ONLINE LEARNING GADGETS SA PALAWAN
ISANG investment umano ang edukasyon ng kabataan. At bilang patunay na hindi kailanman malulugi kapag namuhunan sa edukasyon ay naglaan ang Palawan provincial government ng mahigit P123 million na pondo sa ilalim ng Special Education Fund na pinagtibay sa nakaraang pagpupulong noong Hulyo 7.
Ang pondo ay bilang suporta sa bagong paraan ng pag-aaral at gagamitin umano ang naturang pondo sa pagbili ng gadgets upang magamit ng Senior High School learners sa buong probinsiya.
Ang digitized learning materials ay sinasabing pre-installed sa mga gadgets kaya’t wala rin umanong dagdag bayarin para sa internet fee.
Ayon kay Division Information Officer Grace Estefano, magbababa sila ng alituntunin sa paggamit ng mga tablets. Kailangang pumirma ang magulang at mag-aaral sa isang Affidavit of Undertaking upang mas maipaintindi ang makabuluhang paggamit ng mga ito sa pag-aaral.
Puno naman ng galak ang pamunuan ng DepEd Palawan sa naging hakbang ng provincial government. Sa naging pahayag ni Schools Division Superintendent Natividad P. Bayubay, nagpasalamat ito sa mga kinatawan ng provincial government maging sa mga opisyal ng iba’t ibang munisipyo na magiging kabahagi rin sa proyektong pang-edukasyon.
“The overwhelming support in the Division Learning Continuity Plan of the Palawan Provincial Government through the leadership of Governor Jose CH. Alvarez is a manifestation of our strong partnership. We strongly believe that education is an investment,” bahagi ng pahayag ni SDS Bayubay.
Tuloy-tuloy rin ang ginagawang paghahanda ng DepEd-Palawan sa mga printed modules na magagamit din sa pag-aaral ng mga batang Palaweño.