LIBRARY FEE HAS ALWAYS BEEN PUT INTO GOOD USE – UST
SINAGOT ng University of Santo Tomas Miguel De Benavides Library, sa pamamagitan ng isang pampublikong pahayag, ang lahat ng reklamo at agam-agam ng mga mag-aaral at magulang tungkol sa patuloy na paniningil nito ng ‘mataas’ na library fee kahit wala namang face-to-face classes ngayong akademikong taon.
“Please note that for the 1st term of the academic year 2020-2021, there has been a 50% reduction in the library fee of every student. This reduction may affect the maintenance of all our electronic resources, though we have been assured by the University authorities that we will receive the assistance needed and so not to be forced to cancel some of our subscriptions (journals and databases),” pahayag ng UST.
Matatandaang nag-viral sa Facebook ang reklamo ng mga magulang tungkol sa mataas na singil sa miscellaneous pati sa pagkakaantala ng pagbibigay ng tuition rebate.
Ibinahagi ni Atty. Emillie Gemanil-Espina sa isang eksklusibong panayam ng The POST na walang anumang paliwanag na ibinibigay ang UST sa mga magulang – at naniningil pa ito ng ‘tila hindi makatarungang bayarin’ sa laboratory at library gayong napakalinaw na sa panahon ng pandemya, “ni pagpapasok sa paaralan ay hindi magagawa ng aming mga anak.”
Sinasagot naman umano ng UST ang lahat ng katanungang natatanggap ng kanilang pamunuan kaya hinihikayat nilang padalhan sila ng mensahe sakaling may alalahanin patungkol sa serbisyo ng unibersidad lalo na sa usapin ng matrikula.
Sa huli, binigyang-diin ng UST na, “the library fee of every student has always been put into good use.”
Naiintindihan umano nila ang hinaing ng kalakhan, subalit sinisiguro ng pamantasan na hindi masasayang ang anumang ibinabayad ng bawat Tomasino at idinagdag na mahalaga ang gampanin ng pisikal at online na aklatan sa panahon ng pandemya at hindi ito dapat matigil kailanman.