LEARNING CONTINUITY PLAN SINUPORTAHAN NG MGA LGU SA MARINDUQUE
MAGANDANG samahan ng DepEd-Marinduque, mga local na pamahalaan at mga magulang ang sinasabing susi ng matagumpay na implementasyon sa buong lalawigan ng Learning Continuity Plan.
Natutuwang ibinalita ng pamunuan ng DepEd-Marinduque, sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Dr. Elsie Barrios na todo ang suporta ng anim na munisipyo sa probinsiya sa nasabing plano.
Ang mga local government unit ay nag-realign umano ng kani-kanilang Special Education Fund upang tugunan ang pangangailangan ng sektor ng edukasyon… kasama na rito ang pagbibigay ng wifi modem, pamimigay ng tulong para sa pag-imprenta ng mga learning modules, paglalaan ng mga libreng sasakyan at pag-organisa ng mga volunteer para sa delivery at retrieval ng mga learning materials.
Isang halimbawa umano rito ang bayan ng Torrijos na naglaan ng P788,000 bilang tulong sa implementasyon ng LCP. Malaking pera ang kailangan sa pagpapatupad ng LCP ngunit mas namamayani ang bayanihan na ikinagalak ng pamunuan ng Torrijos District.
“My most humble and sincerest thanks to all people who always worked with me to carry out the school’s programs and activities. Your constant support and sacrifices are just and right to be given due recognition and appreciation,” pahayag ni District Supervisor Raymundo Apostol.
Maliban sa pinansiyal na tulong, katuwang din ang mga opisyal ng 27 barangay ng Torrijos sa distribution at retrieval ng learning modules ‘tulad ng printed at audio/video materials.
Ilulunsad ang dry run ng Modular Distance Learning Modality sa tatlong pilot schools kabilang ang Maniwaya Elementary School, Don Luis Hidalgo Memorial Elementary School at Sibuyao National High School sa Hulyo 20-24, 2020 at isasagawa naman sa Agosto 3-5, 2020 ang dry run para sa Modular Learning Delivery Instruction sa buong probinsiya.