Campus

KURSO SA MARTIAL LAW ITUTURO NA RIN SA UP CEBU

/ 27 July 2020

Ituturo na ang Philippine Studies 21: Language, Literature, and Culture Under Martial Law sa Unibersidad ng Pilipinas Cebu – College of Communication, Arts, and Design (CCAD) sa darating na semestre, ayon sa Tugani, pahayagang pangmag-aaral ng pamantasan.

Ang balita nasabing ulat ay kinumpirma sa Tugani ni Prof. Marie Rose Arong.

Matatandaang una na itong inilunsad ng UP Diliman noong Setyembre 2019. Nakabahay ito ngayon sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura.

Ang PS 21 ay isang general education subject na maaaring i-enroll ng sinumang mag-aaral sa alinmang kurso. Binuksan ang resolusyong ito matapos ang kontrabersiyang kinaharap ni UP President Danilo Concepcion sa pagdalo niya sa reunion ng Kabataang Barangay, kasama si Imee Marcos, sa UP Bahay ng Alumni.

Ayon sa mga proponent ng PS 21, sahog sa kursong ito ang iba’t ibang mukha ng batas militar mula sa panahon ng Espanyol hanggang sa panahon ng Diktaduryang Marcos, Arroyo, at Duterte.

Binabagtas nito ang noon at ngayong epekto ng naturang kilos-politika sa dominyo ng ekonomiya, lipunan, kultura, panitikan, ideyolohiya, at iba pa.

Nasusulat din sa dokumentong inapruba ng University Council noong 2019 na ang silabus ay maglalaman ng (1) mga batayang konsepto ng batas militar – layon, kalikasan, katangian; (2) epekto sa mga mamamayan; (3) analisis sa usapin ng karapatang-pantao, hustisya, kalayaan, demokrasya, at iba pa.

Ganitong istruktura rin ang inaasahan sa adaptasyon ng UP Cebu sa PS 21 ng Diliman.