Campus

‘KILLER’ NG DLSU-DASMA STUDENT TUKOY NA NG PNP

/ 1 April 2023

TUKOY na ng Philippine National Police ang pagkakakilanlan ng suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa isang graduating student sa Dasmarinas, Cavite.

Nasa P1.1-million reward naman ang iniaalok ng lokal na pamahalaan ng Cavite sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para maaresto ang suspek.

Kahapon ay inilabas na ng PNP ang larawan ng suspek sa likod ng pagnanakaw at pagpatay sa 24-anyos na si Queen Leanne Daguinsin, estudyante ng De La Salle University-Dasmarinas.

Una nang kinilala ni PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang suspek na si Angelito Erlano.

Narekober sa kanyang bahay ang t-shirt at short na tugma sa suot niyang damit nang patayin ang biktima sa loob ng kanyang dormitoryo

Nabawi rin sa suspek ang bag na pinaniniwalang pag-aari ng dalaga.

“They were able to recover some of the items na was taken from the student ng Dela Salle and tinutugis na ngayon. So identified na, sana po sa ating mga kababayan natin sa Cavite, kung makita nila ‘yung suspek meron na rin itsura,
hindi lang composite sketch but picture mismo,” ayon kay Azurin.

Base sa hawak na impormasyon ng PNP, dati nang naaresto si Erlano at nakasuhan ng roberry.

“He was arrested last April 7, 2022 for ganun din na klaseng krimen. So, I think as I am speaking report it was already flashed siguro sa mga stations natin sa Cavite. Kung makita sana ay ituro na lang po because ‘yung kawawang estudyante po, ‘yung magulang ng estudyante ay they deserve all the justice,” anang PNP Chief.

Ipinag-utos na ni Azurin sa Cavite Police ang puspusang manhunt operation laban sa suspek.