Campus

KATUTUBONG WIKA SA BAYANIHAN KONTRA PANDEMYA TUON NG BUWAN NG WIKANG PAMBANSA

/ 5 August 2020

PANGUNGUNAHAN ng Komisyon sa Wikang Filipino ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika: Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan KontraPandemya”.

Ayon sa pahayag ng KWF, nakasentro ang tema ng selebrasyon sa kahalagahan ng Filipino at ng mga katutubong wika sa Filipinas bilang “mabisang sandata sa pakikidigma laban sa pandemya”. Nilalayon nito na himukin ang bayanihan sa paglaban sa Covid19 sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga impormasyon at mga balitang nasusulat sa wikang naiintindihan ng laksang masa. Isinusulong ng Komisyon ang paggamit ng Filipino at ng mga katutubong wika sa bansa bilang pangunahing (at pinakamabisang) midyum sa pagkakaroon ng kolektibong pag-uunawaan ng sambayanan.

Ang bangka, sa opisyal na poster ng Buwan ng Wikang Pambansa, ay sumasagisag sa sambayanang Filipino mula Luzon, Visayas at Mindanao. Ang pagsasagwan naman ay simbolo ng bayanihan sa gitna ng mga alon ng pandemya sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan gaya ng kolera, tuberculosis, Spanish flu, SARS, meningococcemia, ebola, AH1N1, MERS, kasama ang Covid19 at ng mga nagbabalik na tigdas at polyo na buong akala ng lipunan ay matagal nang tapos. Ang sagwan naman ay ang simbolo ng mga katutubong wika bilang pangunahing kasangkapan upang magkaroon ng mabilis, matiwasay, at ligtas na paglalakbay ang mga lulan ng bangka.

Ang Buwan ng Wikang Pambansa ay hinati sa apat na lingguhang tema. “Pagtangkilik sa Katutubong Wika bilang Pagpapahalaga sa mga Pamanang Pangkultura sa Panahon ng Pandemya” ang sa Agosto 3-7, “Katutubong Wika: Wika ng Pagtugon at Artikulasyon ng Bayanihan sa Panahon ng Krisis at Pandemya” sa Agosto 10-14, “Kasaysayan ng Wika, Wika ng Kasaysayan: Kamalayan sa Kasaysayan sa Pagsasawika ng Karanasan tungo sa Bayanihan sa Panahon ng Pandemya” sa Agosto 17-21 at “Ang mga Katutubong Wika sa Maka-FilipinongBayanihan Kontra Pandemya” sa Agosto 24-28. Inaanyayahan din ng Komisyon ang patuloy na pagsusumite ng mga nominasyon para sa KWF Dangal ng Panitikan 2020, KWF Dangal ng Wika 2020, Gawad KWF sa Sanaysay ng Taon at Makata ng Taon 2020.

Samantala, batay na rin sa rekomendasyon ng pamahalaan at Kagawaran ng Kalusugan, minabuting ipagpaliban ang pagsasagawa ng sumusunod na gawain: KWF Kampeon ng Wika 2020, iKabataan Ambasador sa Wika 2020, KWF Gawad Jacinto sa Sanaysay 2020, KWF Travelling Exhibit 2020, Tertulyang Pangwika Grant, at Pammadayaw.