JEEPNEY DRIVERS SA MAKATI KATUWANG SA BLENDED LEARNING
MAGKAKAROON na ng hanapbuhay ang mga jeepney driver ay makatutulong pa sila sa mga guro at mga mag-aaral sa darating na pasukan sa lungsod ng Makati.
Ito ay matapos na ilunsad ni Mayor Abby Binay ang Makati Mobile Learning Hub.
Layon ng programa na matulungan ang mga mag-aaral at ang kanilang mga magulang sa pagkakaroon ng mga materyales sa pagpagkatuto ngayong uutilisahin ng Department of Education ang modular blended learning.
Ang mga jeepney driver ang maghahatid ng mga materyales mula sa paaralan at mga guro upang hindi na kailanganing lumabas sa kani-kanilang tahanan ang mga bata, lalo pa’t bulnerablesila sa Covid19.
Bitbit din ng mga dyip ang libreng internet connection, mini library, at iba pang kagamitang iiikot sa bawat barangay ng lungsod.
Maaari rin itong gawing service ng mga guro sakaling may mga mag-aaral na nangangailangan ng tutok at dagdag na aruga.
Ayon kay Makati Education Department Director Rita Riddle, nasa P2,000 kada buwan ang inisyal na upa sa bawat drayber.
Sa ngayon ay mayroon nang 27 dyip mula sa Makati Jeepney Operators and Dirvers Association na handang makiisa sa naturang Mobile Learning Hub.
Inaasahan namang madaragdagan pa ito sa mga susunod na linggo bago magsimula ang klase sa Oktubre 5, 2020.