Campus

ISANG BUWANG BAWAS-ALLOWANCE SA UP DOST SCHOLARS INALMAHAN

/ 17 January 2021

PINALAGAN ng University of the Philippines DOST Scholars’ Association ang memorandum ng Department of Science and Technology hinggil sa isang buwang stipend cut ng mga mag-aaral sa mga apektadong unibersidad sa Filipinas bunsod ng Covid19 pandemic.

Ayon sa grupo, hindi dapat magkaroon ng anumang kaltas sa buwanang allowance ng mga iskolar sapagkat idineklara mismo ng Unibersidad ng Pilipinas na ekstensiyon ng apat na buwang semestre ang Enero 2021 kaya dapat na may matanggap pa rin silang benepisyo sa buwang ito.

Sa memorandum ng DOST-SEI noong Nobyembre 10 ay nakasaad na magkakaroon ng ‘reduction of the months covered by the scholarship for the first semester’ sa mga mag-aaral ng UP dahil ang akademikong kalendaryo nito’y hanggang Disyembre lamang.

Ikinagulat ito ng DOST-SEI scholars dahil sa halip na tulungan ng kagawaran ang mga mag- aaral na naghihikahos sa gitna ng pandemya ay lalo pa itong nanggigipit.

Dahil dito ay nakipagdiyalogo ang UP DOST SA sa pamunuan ng DOST at ng UP upang mabigyang-kalinawan ang desisyong nakasaad sa memo.

Nakapagpadala na sila ng unang liham noong Nobyembre 27 para sa rekonsiderasyon lakip ang mga hinaing ng mga kasalukuyang iskolar.

Sinusugan pa nila ito noong Disyembre 15 matapos na mismong ang UP Office of the Vice President for Academic Affairs na ang nagsabing ang Enero, bagaman wala sa kalendaryo, ay opisyal na ekstensiyon ng semestre.

Samakatuwid, lahat ng donor-funded scholarships ay marapat na patuloy magpadala ng stipend sa adopted scholars nito.

Sa Seksiyon 3.5 ng UP Guidelines on the Administration of Student Financial Assistance in Remote Learning ay nakasaad na, “The Student Affairs and Scholarship units shall authorize the payment of monthly stipends and benefits until the end of January 2021. Although classes in the First Semester end on 9 December 2020, students are allowed to complete academic requirements in January 2021.”

Direkta pa nitong sinabi na kasama sa payment ang ‘DOST Scholarship and other Government- funded Scholarship Programs managed by the University’.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang UP sa DOST-SEI para maipamahagi na ang nalalabing stipend ng mga iskolar ng bayan.