INTERNET LOAD ASSISTANCE SA RIZAL HIGH SCHOOL STUDENTS
INILUNSAD kahapon ng Rizal High School sa Pasig City ang mobile data loading, isang proyekto na naglalayong tulungan ang mga mag-aaral na walang access sa internet para sa kanilang online learning.
Ayon kay Gilbert Inocencio, principal ng nasabing paaralan, ang mobile data loading project ay inisyatibo ng kanilang paaralan para tulungan ang kanilang mga estudyante na makatugon sa hamon ng teknolohiya sa kanilang pag-aaral.
Maawerte, aniya, ang mga batang Pasigueño sapagkat sila ay pinagkalooban ng mga gadget kagaya ng mga tablet at laptop subalit may mga limitasyon sa paggamit nito lalo na pagdating sa synchronous activities ng mga eskuwela.
“Yes, we are doing a modular approach but there are times na kinakailangan din nating gumamit ng iba’t ibang platforms para makita natin ‘yung mga bata kahit tayo’y malayo sa isa’t isa, ‘yung tinatawag natin na virtual communication,” sabi ni Inocencio sa panayam ng local online news website na PasigNewsToday.
Sa ilalim ng proyektong ito ay bibigyan ng P300 loading assistance ang mga pinakamahihirap ngunit deserving na mga mag-aaral ng Rizal High School.
Ayon sa kanya, nasa 1,581 mga mag-aaral sa kanilang paaralan ang walang kakayahang maka-access sa synchronous classes o paggamit ng internet connection sa kani-kanilang bahay.
“So, bilang tugon inisyatibo ng Rizal High School na tulungan ang mga batang ito kaya tayo po ay nangalap ng ating mga donor at sponsor. Kaya po tayo nakalikom, actually the students are now actually enjoying the P300 loading allowance per month,” sabi ni Inocencio.
Sa kasalukuyan, nasa 30 estudyante pa lamang ang nabibigyan ng loading assistance at madadagdagan pa ito sa mga susunod na linggo.
“Target namin at least 1,500 estudyante ang matutulungan natin within this school year,” dagdag pa ni Inocencio.
Kinakailangan nila ng P500,000 para masustina ang proyektong ito at nang sa gayon ay mas marami pa silang matulungan na mga mag-aaral para magkaroon ng kakayahan na lumahok sa kanilang online classes.
“We would like to inform the public, our stakeholders at sa mga taong may ginintuang puso na puwedeng mag-share, so tinatawagan po namin ng pansin ang inyong generosity,” dagdag pa nya.