HOLY ANGEL U GRADUATION TULOY SA ENERO 2021
TULOY ang graduation rites ng mga mag-aaral ng Holy Angel University sa Angeles, Pampanga sa Enero 2021, subalit ayon sa administrasyon ay hindi isasama ang mga nagtapos noong Abril 2020.
Ito ay ayon sa ulat ng The Angelites, ang opisyal na peryodikong pangkampus ng HUA.
Sinabi ng isang nakapanayam na pinangakuan ang mga mag-aaral na itutuloy ang seremonya, subalit hindi nila inakalang etsapuwera pala ang mga nagtapos noong Abril.
Ayon kay Office of Student Affairs Head Iris Ann Castro, ang graduation sa Enero 2021 ay eksklusibo sa mga nagtapos noong unang semester, 2020-2021.
“Pinangakuan din kami na may graduation pero nabalitaan namin na may graduation sa January and hindi kasama ‘yong mga graduate no’ng April,” ayon sa pahayag.
Labis itong inaalala ng buong batch ng magsisipagtapos mula sa School of Engineering and Architecture. Nakipag-ugnayan sila kay Castro, subalit kinumpirma lamang nito na totoo ang balita.
Ang mga magsisipagtapos ay pinagbayad ng graduation fee na nagkakahalagang P2,500 hanggang P3,000. Ang mga medal para sa best thesis, best presenter, at latin honors ay hindi pa tiyak kung maisasama.
Sinubukang kunin ang panig ng College Dean subalit hindi pa ito tumutugon sa Angelites hanggang ngayon.