Campus

HINAING NG MAG-AARAL: MAGASTOS ANG ONLINE CLASS

/ 19 August 2020

VIRAL ngayon sa Facebook ang publikong mensahe ni Kurt Johann Geronimo ng Jose Rizal University tungkol sa  mga suliraning kinahaharap niya bilang mag-aaral sa panahon ng new normal.

Ayon kay Geronimo, magastos ang online classes.

Limang araw pa lamang buhat nang magsimulaang klase ay makatlong beses na siyang gumastos ng tig-P99 para lamang makadalo sa mga online class na sa Zoom at Canvas nagaganap. Bukod pa ito sa gastos sa kuryente, module at asynchronous classes, at mga dagdag na kahingian ng sampu niyang kurso.

Mahirap din ang online classes dahil sinusubukan at ‘pinipilit’ ng mga mag-aaral na matuto sa kabila ng sanga-sangang suliraning pampersonal, pampamilya, at pambayan.

Pagdating naman sa internet connection, parehong mag-aaral at guro ay naghihikahos sa bilis ng internet. Panaka-naka’y nawawala ang signal at naaabala ang diskusyon. Hindi rin nakapagsusumite sa dedlayn ang ilan, muli, dahil sa hindi estabilisadong koneksiyon.

Dagdag pa ni Geronimo, “May mga nahihirapan din akong kaklase  dahil hindi naman applicable sa lahat

‘yung self-learning. Hindi naman lahat nakasasabay.”

Nang tanungin kung ano ang sa palagay niyangpinakamainam na hakbang na dapat gawin ng mga pamantasan sa Filipinas, dagli niyang sagot ay ‘academic freeze’.

Subalit ngayon na nagsimula na ang mga klase at ‘iniurong’ lamang ang sa mga pampublikong paaran, pakonsuwelo ay “sana tulungan niyo [administrasyon] ‘yung  nahihirapan, marami ang naiiwan, maraming pangarap ang naisasantabi.”

‘Paalala at pabatid’ ang layon ng kanyang  Facebook post na mayroon nang higit 54K na shares at 40K na reactions. Paalala na mayroong nahihirapan, at pabatid ng kung ano talaga  ang isinisigaw ng mga mag-aaral – ng pinakaapektadong sektor dulot ng pandemya.

Huling mensahe ni Geronimo, “Para sa mga nakakaranas ng hirap ng sitwasyon na ito, kaya natin ‘to. Sa mga guro, sa mga magulang, sa mga estudyanteng gaya ko, ‘wag sana tayong sumuko.”