HEARING AID PARA KAY ‘MANNY LOCKSMITH‘ NG UP DILIMAN HILING NGAYONG PASKO
VIRAL ngayon sa social media ang post ni Michelle Balce, ang anak ng pinakakilalang manggagawa ng susi sa kampus ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Sa kanyang post noong Disyembre 16, ikinuwento ni Balce ang kasalukuyang kalagayan ni Mang Manny, na mas kilala sa tawag na Manny Locksmith. Isang person with disability na gumagawa ng susi at rubber stamp na noo’y nakapuwesto sa gilid ng nasunog na Shopping Center sa UP Diliman.
Ayon sa post, ang kariton na pinagpupuwestuhan ni Mang Manny ay dinemolish kaya siya ay inilipat sa Tennis Court. Bagaman patuloy pa rin sa paghahanapbuhay ay wala na umano itong kinikita dahil ang mga parokyano niya ay yaong mga mag-aaral na ngayo’y naka-distance learning at online class dulot ng Covid19.
Humihingi ng tulong si Balce sa mga netizen nang sa gayo’y magkaroon pa rin ng customer ang kaniyang amang labis na nangayayat.
“Sa mga kaibigan at [customer] ni papa, nalipat na po [siya] sa likod, sa may tabi ng Tennis [Court]. Doon na po siya [ngayon] nakapuwesto. Namayat na si Papa simula [noong] pandemic. Wala na siyang kita dahil kadalasan, ang mga customer niya ay [ang] mga estudyanteng walang pasok [ngayon] kaya wala na rin siyang kita. Tapos, na-demolish pa,” sabi ng anak sa Facebook post.
Mayroon pang hiwalay na post ang anak ni Mang Manny na detalyadong nagkuwento ng kinasadlakan ng kaniyang munting negosyo.
“Magandang araw po sa lahat. Pasensiya na sa abala. Ako po si Michelle Balce, anak ni Manuel Jesus Rivero. Sa lahat po ng [nakakikilala] kay Papa, Manny Locksmith po ang pangalan niya sa kaniyang trabaho sa loob po ng UP Diliman,” pambungad ng post.
“41 years na po siya sa puwesto niya na minana pa sa kaniyang tatay, na aking lolo. [Ngayon] po [ay] na-demolish na siya at inilipat na po sa likod sa may Tennis [Court]. Simula po ng pandemic hanggang ngayon ay hindi na siya kumikita dahil ang kaniyang mga customer ay mga [estudyante] ng UP at dahil walang pasok [ay] wala na siyang kita at nagbabakasakali na lamang na may kitain pagpasok. Tapos, na-demolish pa.”
Panawagan ng anak, “Sa lahat po ng kanyang mga customer at kaibigan, kami ay lumalapit sa inyo para makahingi ng kaunting tulong sa pagpapagawa ng kaniyang shop. Si papa po ay isang person with disability (PWD). Hearing impaired. Hindi po siya makarinig kapag walang hearing aid. Ngayon po ay nasira na ang kanyang hearing aid kaya mas lalo siyang nahihirapan, lalo na at wala siyang kasama sa shop para [maging] interpreter [niya]. Baka po may gustong mag-donate ng hearing aid kahit luma lang po basta may magamit siya sa trabaho. Nalalapit na rin po ang kaniyang kaarawan kahit pa-birthday na lamang po kay Papa. Ngayong December 25 po ang birthday niya. Maraming salamat po. Sa mga gusto pong tumulong, kontakin ninyo lang po ako o ihulog sa Gcash number na ito 0933 381 7661.”
Umani na ng halos 250 shares ang post na ito at isa-isa nang nananawagan ang mga iskolar ng bayan.
Sa mga nais mag-abot ng tulong ay maaaring magpadala sa GCash number na 0933 381 7661 o maghatid ng mensahe sa Facebook account ni Balce: https://www.facebook.com/michelle.balce.1.