DATING UP DORM QUARANTINE FACILITY NA
BINUKSAN na ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman ang SilungangMolave, ang pinakabagong quarantine facility ng pamantasan, na makikita sa Molave Residence Hall, noong Agosto 15.
Ang SiM ay may 39 kama na magsisilbing pansamantalang panuluyan ng mga positibo at pinagsususpetsahang positibo sa Covid19.
Maluwag ang loob ng pasilidad, maayos ang bentilasyon, at kontrolado’t labis na pinangangalagaan ng UP. Mayroon ding magkahiwalay na espasyo para sa mga lalaki at babae at maging sa mga pasyenteng asymptomatic pero kailangang i-quatantine para maobserbahang maigi.
Maayos din ang koneksiyon ng koryente, tubig, at internet dito. May mga kawaning tumutulong sa
pagbibigay ng masusustansiyang pagkain.
Sa ulat ng UPDate, sinabi ni UP Health Service Acting Director Dr. Jesusa Catabui na ang pagsusuot ng personal protective gears ay mandato sa SiM, pati ang paghihigpit sa social distancing.
Prayoridad ng UP ang mga pasyenteng mag-aaral at mga residente ng Barangay UP Campus bagama bukas ang SiM kahit sa mga Filipinong naninirahan sa labas.
Kinakailangan lamang nilang makipag-ugnayan muna sa UPHS Emergency Room para maisalang sa initial screening at mareserbahan ng kama.
Maghahatid ng 24- oras na serbisyong medikal ang mga doktor ng UPHS at ang tatlong bagong nars.
“Kailangan natin ng isolation area para sa ating komunidad. We have realized the new patterns of transmission: mas mabilis sa office at sa mga bahay-bahay. Natuto na tayo sa Kanlungang Palma and our take off point ay ang mga natutu-nan natin mula sa ating shortcomings noon,” wika ni Tsanselor Fidel Nemenzo sa UPDate.
Sa pinakahuling ulat ay pumalo na sa higit 110 ang mga naitalang positibo sa Covid19 sa UP.