ARELLANO U BALIK-ONLINE CLASSES PARA IWAS MPOX, DENGUE
ONLINE classes muna ulit ang Arellano University upang maproteksiyunan ang mga estudyante at mga empleyado nito laban sa banta ng iba’t ibang sakit gaya ng dengue at viral infection tulad ng mpox at maging Covid19.
Sa inilabas na anunsiyo sa official Facebook page ng AU mula sa tanggapan ng Vice President for Academic Affairs, ang pagbabalik o paglipat sa online classes ng kanilang campus ay paraan ng pangangalaga sa kanilang mga mag-aaral at personnel.
Gayunman, nilinaw sa Memo Number 14 Series of 2024 na ligtas mula sa anumang infectious diseases ang mga campus ng AU habang bibigyang daan ang inspection at paglilinis sa mga pasilidad upang matiyak na ligtas sa anumang sakit ang mga estudyante, guro ang school worker.
Ang hakbang ay bahagi ng pagtugon ng AU sa Department of Health (DOH) sa harap ng paglobo ng mga kaso ng dengue sa iba’t ibang panig ng bansa, gayundin ang nakaaalarmang sitwasyon kaugnay ng kaso ng dengue at mpox sa bansa.