ANAKBAYAN-CVSU UMALMA SA RED-TAGGING SA ISANG PAGSUSULIT
MARIING kinondena ng mga miyembro ng Anakbayan sa Cavite State University ang lantaran umanong red-tagging sa unibersidad matapos maihalintulad ang kanilang hanay sa New People’s Army sa isang tanong sa isang pagsusulit.
Ayon sa grupo, lumitaw ang tanong sa final exam ng asignaturang Babasahin sa Kasaysayan ng Pilipinas.
Sa larawang ibinahagi ng Anakbayan-CVSU, makikita ang tanong na: “Underground ang tawag sa musika ng mga ______at NPA.”
Ang mga sagot na maaaring pagpilian ng mga estudyante ay a. aktibista, b. sundalo, c. kabataan, d. salungat sa gobyerno.
“At kahit sa ganitong panahon kung saan hindi na magkanda-ugaga ang mga estudyante sa pag-aaral at pag-aasikaso ng kanilang mga requirements ay nakararanas pa rin tayo ng lantarang Red-Tagging mula mismo sa ating mga kaguruan,” pahayag ng grupo sa kanilang opisyal na Facebook page.
“Ang Anakbayan-CvSU ay patuloy na kokondenahin ang mas lumalala pang red-tagging sa loob ng ating pamantasan. Ang ganitong naka-aalarmang pangyayari ay banta sa lahat ng mga estudyante at progresibong grupo sa buong bansa,” dagdag nito.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang administrasyon ng CvSU tungkol sa insidente.