Bulletin Board

PAGGUNITA SA 76 TAONG PAGPAPALAYA SA BILANGGUANG KAMPO NG LOS BANOS TAMPOK SA WEBINAR NG UPLB

Inaanyayahan ang mga interesadong Filipino na dumalo sa libreng lektyur-webinar bilang paggunita sa ika-76 taong Pagpapalaya sa Bilangguang Kampo ng Los Banos na gaganapin sa Pebrero 23, 9 n.u., via Zoom at Facebook Live.

/ 14 February 2021

Itinuturing na mahalagang panandang-bato ng kasaysayan ang mga pangyayari noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Filipinas, partikular ang pagsuko ng mga Hapon sa Alyadong Puwersa 76 taong nakararaan, sapagkat tinatampok nito ang kabayanihan ng mga gerilya at mga ordinaryong mamamayan sa pakikidigma para ipagtanggol ang bayan.

Magkagayo’y pangungunahan ng Departamento ng Agham Panlipunan, Kolehiyo ng Arte at Agham, Unibersidad ng Pilipinas Los Banos, ang pag-aalala sa mga tagpong ito sa pamamagitan ng isang libreng webinar.

Imbitadong tagapagsalita ang isa sa mga massacre survivor at ang buhay na saksi ng digmaan at pagpapalaya sa bilangguang kampo na si Sofia Tidon. Maghahatid din ng panayam si Dr. Marcelino Macapinlac, Jr. Propesor ng Kasaysayan mula sa Pamantasang De La Salle.

Libre at bukas para sa lahat ang naturang webinar. Mamimigay rin ng e-certificates sa mga dadalo. Sagutan lamang ang form na ito bago ang araw ng talakayan: http://bit.ly/2021LBFreedom.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang Event Page na https://www.facebook.com/events/122662183077340/?ti=ls. Maaari ring makipag-ugnayan sa Facebook Page ng UPLB Department of Social Sciences.

Ang Dibisyon ng Kasaysayan ay pinangungunahan ni Dr. Gilbert Macarandang.