#KABATAANSAHALALAN: HUWAG NANG HINTAYIN ANG DEDLAYN; MAGPAREHISTRO NA!
Malayong-malayo pa ang Commission on Elections sa target nitong dagdag apat na milyong bagong botante para sa Eleksiyon 2022 kaya hinihikayat nila ang mga kabataan na magparehistro na at huwag nang hintayin pa ang dedlayn.
“Puwede na kayong magparehistro ngayon. Gawin ninyo na habang maaga, kasi mahihirapan tayong lahat kasi kapag umabot pa tayo sa deadline. Magsisiksikan tayo roon. Mas unsafe iyan para sa ating lahat,” wika ni Comelec Spokesperson James Jimenez.
Batay sa pinakahuling ulat, nasa higit isang milyon pa lamang ang bagong rehistrado mula nang muling buksan ang mga opisina ng Comelec noong Setyembre 2020. Gayunpaman ay pinal na ang Setyembre 30 bilang huling araw ng pagpapatala ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon.
“Talagang last deadly deadline ‘yang September 30 kasi kailangan pa naming gawin ‘yung project of precincts, ‘yung paglista ng voters sa listahan ng presinto, saka ina-assign pa namin ‘yung presinto kung saan sa mga eskuwelahan at building; kailangang matapos ‘yon ng November,” pahayag ng Comelec Commissioner sa isang panayam.
“Very tight schedule. Huwag na po kayong mag-last minute kung kaya naman ninyo magpa-rehistro na po ngayon,” dagdag niya.
Para matulungan ang mga magpaparehistro ay pinalawig na rin ang iskedyul ng lahat ng Office of Election Officers sa buong Filipinas.
Simula Pebrero 20 ay tatanggap na sila ng registration application Martes hanggang Sabado, 8 n.u. hanggang 5 n.h.
Paano magparehistro?
Sang-ayon sa Resolution 10647 ng Commission on Elections, ang voting registration para sa Eleksiyon 2021 ay sinimulang buksan sa buong Filipinas noong Setyembre 1, 2020 liban sa mga lugar na nananatiling nasa Enhanced Community Quarantine o Modified Enhanced Community Quarantine.
Narito ang mga paalala sa kung paano makapagpaparehistro:
- Tiyakin na ikaw ay kalipikado. Ang botanteng Filipino ay nararapat na Filipino citizen, at least 18 years old bago o sa mismong araw ng eleksiyon sa Mayo 9, 2022, residente ng Filipinas nang hindi bababa sa isang taon, at residente ng lungsod o bayan na pagbobotohan nang hindi bababa sa 6 na buwan. Ang mga nakaboto sa nagdaang SK elections ay hindi kailangang muling magparehistro.
- Gumising nang maaga. Ang Comelec ay handang tumanggap ng mga magpaparehistro tuwing Martes hanggang Sabado, 8 n.u. hanggang 3 n.h. (Simula Pebrero 20 ay hanggang 5 n.h. na ito).
- I-fillout ang online registration form sa iRehistro: https://irehistro.comelec.gov.ph/. Tatlong ulit itong i-print sa 8.5×13” na papel at dalhin sa pinakamalapit na Comelec. Pirmahan ang pormularyo sa harap ng Election Officer.
- Bagaman hindi naman kailangan, mainam pa ring magdala ng katibayan na ikaw ay 18 taong-gulang sa araw ng halalan – birth certificate at/o valid ID.
- Bitbit ang sariling bolpen, pumunta sa inyong Local Commission on Elections Office. Kadalasang ito ay matatagpuan malapit sa munisipyo o city hall.
- No Face Mask and Face Shield – No Registration. Magsuot ng face mask at face shield. Mag-alcohol at pirmahan ang health declaration form na makukuha sa security guard. Sundin ang dalawang metrong social distancing.
- Pumila at magpa-biometrics. Kapag tinawag na sa window, kailangan mong panandaliang hubarin ang face mask at face shield para makunan ka ng retrato. Matapos nito’y kukunan ka rin ng biometrics gaya ng fingerprint at signature specimen.
- Hintayin ang iyong voter slip. Pagkakuha nito’y maaari ka nang bumalik sa inyong tahanan.
- Subaybayan ang #KabataanSaHalaan Election Campaign ng The Philippine Online Student Tambayan (thepost.net.ph) para mabatid ang mga update hinggil sa eleksiyon at para malaman ang mga detalye sa kung paano maririnig ng taumbayan ang boses ng mga kabataan sa halalan.
#KabataanSaHalalan
‘Youth Vote’ ang sinasabing may kakayahang makapagpabago ng resulta ng eleksiyon sa Filipinas. Kabataan kasi ang pinakamalaki at pinakaaktibong hanay ng mga botante taon-taon. Sa katunayan, nito lamang 2019, 18.8 milyon ang bilang ng mga botanteng edad 18-24 at 19.9 milyon naman ang edad 30-44. Higit 60% ito ng 61.8 milyong populasyong rehistrado.
Nakaatang sa ating mga balikat ang kinabukasan ng lipunan at isang taon na lamang ay pipili na naman tayo ng bagong set ng mga lider na pagkakatiwalaan nating makapagpapaunlad ng ating kalagayan bilang mga Filipino.
Malaking kapangyarihan, malaking responsibilidad. Kaya ngayon pa lamang ay kailangan na nating maghanda. Mag-aral, magbasa, mangarap sa bansang Filipinas. Simulan natin ito sa pagrerehistro upang sabay-sabay nating maisigaw ang boto ng mga #KabataanSaHalalan.