Campus

2019-2020 ALLOWANCE NG SOUTHERN LEYTE STATE U SCHOLARS NAIPAMAHAGI NA

/ 16 November 2020

NASA 1,014 na mga mag-aaral ng Southern Leyte State University sa Sogod, Southern Leyte ang nakatanggap ng kanilang Tertiary Education Subsidy noong Lunes, Nobyembre 9.

Ang bawat mag-aaral ng SLSU, sa lahat ng kampus at satelayt, ay tumanggap ng P20,000 na tseke bilang allowance sa unang semestre ng akademikong taon 2019-2020.

Naantala ang pamimigay nito dahil sa pandemya, pero masigasig na inasikaso ng administrasyon ang mga allowance lalo pa ngayong higit nila itong kailangan upang makaragdag sa gastusin sa online classes – load, internet, at gadgets.

Apatnaraan at siyamnapu’t anim na grantees ang nabigyan ng stipend sa Main Campus sa Sogod, 126 sa San Juan at Tomas Oppus campuses, 101 sa Maasin, 97 sa Hinunangan, at 68 sa Bontoc.

Karugtong ito ng 1,572 na iskolar na nasa ikalawa hanggang ikaapat na taon sa kolehiyong nagpapatuloy bilang iskolar ng SLSU.

Para masigurong ligtas at walang hawaan ng Covid19, minabuti ng unibersidad na sa tanggapan ng mga lokal na pamahalaan ang kuhanan ng tseke.

Ang TES ay inisyatiba ng pamahalaan, alinsunod sa RA 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education. P60,000 kada taon ang ibinibigay sa mga mag-aaral na nangangailangan bilang pantulong sa pagbayad ng matrikula at iba pang gastusing pampaaralan.