LADY FALCONS HUMIRIT NG DO-OR-DIE VS FIGHTING MAROONS
NANATILING buhay ang kampanya ng Adamson University Lady Falcons matapos pataubin ang twice-to-beat na University of the Philippines Fighting Maroons, 25-20, 25-17, 26-24, sa quarterfinals ng 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup kahapon sa Muntinlupa Sports Center.
Dahil sa panalo, naipuwersa ng third-seeded Lady Falcons ang isang do-or-die match kontra Fighting Maroons ngayong araw para sa huling puwesto sa semifinals. Nanguna sa krusyal na panalo sina Frances Mordi at Shaina Nitura, na nagsanib-puwersa para umiskor ng 15 puntos sa ikatlong set.
Nagtapos si Mordi na may 15 puntos mula sa 12 attacks, dalawang kill blocks at isang ace, habang nagdagdag si Nitura ng siyam na puntos mula sa attacks.
Nakatulong din sa Adamson ang pagbabalik ni setter Fhei Sagaysay, na nagtala ng 12 excellent sets para mapiling Player of the Game para sa Lady Falcons, na umiskor ng 43 attack points sa loob ng isang oras at 30 minutong laban. “Siyempre, twice-to-beat ‘yung UP.
Mahirap talaga sa part namin na kailangan namin silang talunin ng dalawang beses. Ang kailangan lang naming gawin ay maging composed kami para sa next game namin and more effort pa sa naging outcome ngayon,” ani Sagaysay.
Matapos dominahin ang unang dalawang set, nakaranas ng matinding hamon ang Adamson sa third frame nang muntik nang maagaw ng UP ang panalo. Nakahabol ang Fighting Maroons mula sa 18-20 deficit upang kunin ang 23-21 bentahe matapos ang atake ni Bienne Bansil.
Ngunit agad gumanti si Mordi sa pamamagitan ng dalawang sunod na kills para itabla ang iskor. Naitulak pa ni Kianne Olango ang UP sa set point, 24-23, subalit sinagot ito ni Nitura ng crosscourt attack upang manatiling buhay ang Lady Falcons.
Muling nagpakawala ng kill si Mordi para bigyan ng match point ang Adamson bago isinara ni Nitura ang laban sa pamamagitan ng backrow attack na hindi nasalo ng depensa ng UP.
Nanguna naman si Jelai Gajero para sa Fighting Maroons sa kanyang 14 puntos, kabilang ang 13 attacks, habang nag-ambag si Olango ng walo.