UAAP: BULLDOGS SA SEMIS
PORMAL nang nakapasok sa Final Four ang National University Bulldogs matapos pataubin ang University of the East Red Warriors, 91-74, sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Pinangunahan ni Reinhard Jumamoy ang ratsada ng NU sa fourth quarter upang tuluyang ilayo ang Bulldogs at makuha ang ika-9 na panalo sa 12 laro para selyuhan ang isang puwesto sa semifinals.
Mula sa manipis na 68-66 kalamangan matapos ang ikatlong quarter, agad na nag-ipon ng puntos ang NU sa pamamagitan nina Chad Cartel, Mo Diassana at Tebol Garcia upang itaas ang bentahe sa 77-70.
Lalo pang pinahirapan ni Jumamoy ang Red Warriors matapos magbaon ng tatlong magkakasunod na tres, na nagpalobo sa kalamangan ng Bulldogs sa 89-70 at nagbigay sa kanila ng kontrol sa laro.
Nagtapos si Jumamoy na may 11 puntos, siyam dito ay naitala sa huling quarter, 7 rebounds at 7 assists.
Mula sa bench ay kumamada si Garcia ng 20 puntos at 7 assists, habang nagposte rin si PJ Palacielo ng double-double na 13 puntos at 11 rebounds. Nanguna sa UE si Toper Lagat na may 21 puntos, samantalang nagdagdag sina Drew Jimenez ng 13 at Mo Tañedo ng 12. Lagapak sila sa 1-12 kartada.