Overtime

SSL: LADY TAMARAWS WINALIS ANG POOL C

18 October 2026

NAKUMPLETO ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang perpektong marka sa Pool C matapos pataubin ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 20-25, 25-13, 26-24, 25-12, 15-6, kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Kinailangan ng Lady Tamaraws na makabawi mula sa pagkatalo sa unang set upang pabagsakin ang Lady Generals tungo sa malinis na 3-0 kartada. Nahulog naman sa 0-3 ang EAC.

Naging sandigan ng Lady Tamaraws si Gerzel Petallo, na kumamada ng 25 puntos upang tanghaling Most Valuable Player of the Match.

Sinamahan ng FEU ang five-peat-seeking National University, Adamson University at ang second-seeded squad mula sa Pool B sa round-robin playoffs.

Samantala, ipinakita ng National University Lady Bulldogs ang kanilang lakas matapos walisin ang University of Perpetual Help Lady Altas, 25-13, 25-13, 25-15, upang tapusin ang Pool A action na walang talo sa apat na laro.

Nagtala si Arah Ellah Panique ng 12 puntos mula sa pitong attacks, tatlong blocks at dalawang service ace para pangunahan ang NU at makuha rin ang MVP of the Match honors.

Bumagsak ang Perpetual sa 1-3 kartada matapos ang pagkatalo.

Sa Pool B, nalasap ng  College of Saint Benilde Lady Blazers ang unang panalo makaraang gapiin ang Jose Rizal University Lady Bombers sa apat na set, 28-26, 25-16, 18-25, 25-22.

Nanguna si Camila Amor Bartolome sa Lady Blazers sa naiskor na 16 puntos mula sa  14 attacks, tatlong blocks at isang ace, upang hirangin ding MVP of the Match.

Umangat ang CSB sa 1-1 kartada, habang nanatiling walang panalo ang JRU sa dalawang laro.