Overtime

SSL: LETRAN PINALAKAS ANG PLAYOFFS BID

17 October 2026

LUMAKAS ang tsansa ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights na makapasok sa playoffs matapos walisin ang San Beda University Lady Red Spikers, 25-22, 25-14, 25-21, sa Pool A ng 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Dala ng panalo, umangat sa ikalawang puwesto ang Lady Knights tangan ang dalawang panalo sa tatlong laro, sa likod ng defending champion National University (NU), na nananatiling walang talo sa tatlong laban at nakasiguro na ng puwesto sa susunod na round ng torneo.

Isang panalo na lamang ang kailangan ng Letran kontra University of Perpetual Help Lady Altas sa Linggo upang maselyuhan ang natitirang puwesto sa playoffs sa kanilang grupo.

Nanguna si Judiel Nitura sa Lady Knights na may 11 puntos, kabilang ang pito sa ikatlong set. Nag-ambag sina Kaizah Huyno at Gia Maquilang ng tig-walong puntos.

Rumatsada ang Letran sa huling set matapos itong mahulog sa 16-19 kasunod ng atake ni Katrina Dela Cruz para sa San Beda.

Agad na sumagot si Maquilang sa pamamagitan ng kill, bago nagdagdag ng dalawang puntos si Nitura at dalawang sunod na block naman ang pinakawalan ni Huyno. Sinundan pa ito ng magkasunod na atake ni Nitura upang kumpletuhin ang pitong sunod na puntos at ilagay ang Letran sa unahan, 23-19.

Naputol man sandali ang ratsada ng Lady Knights sa pamamagitan ng play ni setter Jasmine Monte, inilapit pa rin ni Nitura ang koponan sa panalo sa pamamagitan ng isang off-speed hit para sa match point.

Nakasalba pa ng isang puntos ang San Beda dahil sa sumablay na serve ni Nitura, ngunit tuluyan nang tinapos ni Maquilang ang laban sa isang malakas na atake.

Binigyang-diin ni Nitura ang kahalagahan ng kanilang pagkakaisa, lalo’t marami silang bagong manlalaro matapos mawala ang ilang beteranong seniors.

“Sobrang laki ng panalo na ito for us kasi working kami as a team. Marami kaming bago and maraming nawalang seniors sa amin. So, kailangan din naming i-work talaga ang sarili namin and ‘yung kabuuan ng team,” ani Nitura.

Samantala, tuluyan nang natuldukan ang kampanya ng San Beda matapos ang ikatlong sunod na pagkatalo.

Nanguna si Janelle Bachar para sa San Beda na may 12 puntos, pawang mula sa attacks.