Overtime

CUENCO NAGLIYAB SA OT; CARDINALS NATAKASAN ANG ALTAS

17 October 2026

NAGNINGAS ang opensa ni Marc Cuenco sa overtime period upang pangunahan ang Mapua University Cardinals sa 65-60 panalo laban sa University of Perpetual Help Altas sa NCAA Season 102 men’s basketball kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.

Matapos ang mahigit dalawang minuto na scoreless sa extension period, binasag ni Cuenco ang 54-all iskor nang kumonekta ng malayuang three-pointer para sa 57-54 talaan.

Sinundan ito ni Cuenco ng isang three-point play at isang three-pointer  upang iangat ang Cardinals sa 63-58 kalamangan bago sinelyuhan ni Yam Concepcion ang panalo sa isang inside basket.

Nagbida si Cuenco sa kanyang 17 puntos, siyam dito ay ibinuhos niya sa overtime, walong rebounds, tatlong assists, at isang steal para sa Cardinals, na umangat sa 5-3 kartada.

Nagdagdag sina Concepcion at Marcus Nitura ng tig-14 puntos, habang kumonekta ng 12 si Jamal Diaz para sa Cardinals, na kasalukuyang nasa five-game winning streak.

Bumida para sa Altas si LA Casinillo sa kanyang 17 puntos, habang nag-ambag ng 10 si Mark Gojo Cruz. Laglag sila sa 2-6 marka.