ALINSUNURIN SA ALAS MEN, FRIGONI SA ALAS WOMEN
MULING itinalaga si Dante Alinsunurin bilang head coach ng Alas Pilipinas men’s indoor volleyball team, habang pansamantalang hahawakan ng Italian mentor na si Angiolino Frigoni ang women’s squad, kasunod ng malawakang pagbabago sa coaching staff at pamunuan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF).
Inanunsiyo ni PNVF executive director Atty. Miguel Carlos Pacifico Suarez kahapon ang mga bagong appointment bilang bahagi ng pagsisikap ng pederasyon na pagandahin ang pamamalakad, tiyakin ang maayos na suporta sa mga atleta at palakasin ang kampanya ng mga pambansang koponan sa mga internasyonal na torneo.
Pitong taon matapos pangunahan ang Pilipinas sa silver medal finish sa 2019 Southeast Asian Games, muling babalik si Alinsunurin sa pamumuno ng men’s national team. Kasalukuyan din siyang coach ng National University sa UAAP at Choco Mucho sa Premier Volleyball League.
Si Frigoni naman, na dating namahala sa men’s squad, ang mangunguna sa women’s indoor team habang naghahanda ang bansa sa pagho-host ng 2029 FIVB Women’s Volleyball World Cup.
Mananatili ang kasalukuyang coaching lineup ng pambansang beach volleyball teams kasunod ng matagumpay na kampanya ng Pilipinas sa 20th Asian Games sa Nagoya, Japan. Nagtapos sa bronze medal ang women’s tandem nina Khy Progella at Sofiah Pagara.
Bukod sa pagbabago sa coaching staff, isinusulong din ng PNVF ang mga reporma sa administrasyon at pananalapi sa ilalim ni president Frank Lao, na nanungkulan noong Agosto.
Sa pamamagitan ng Strong Group Athletics, susuportahan ni Lao ang men’s national team. Ang organisasyon ay may kaugnayan sa mga koponan sa PVL na Farm Fresh at ZUS Coffee. Layunin ng ganitong kaayusan na maiwasan ang posibleng conflict of interest.
Nangako rin si Lao na magbibigay ng direktang tulong pinansiyal sa mga pambansang atleta, aalisin ang pagkaantala sa pagbabayad ng kanilang allowances at aayusin ang mga obligasyong pinansiyal na naiwan ng mga nakaraang administrasyon.
“Our president, Mr. Frank Lao, is delivering on his commitment to drive reforms within the federation,” ani Suarez.
“He wants to eliminate delays in the issuance of allowances, which is why he is disbursing his financial support directly to our national athletes. By doing so, he is setting a clear precedent for other potential sponsors to follow.”
Si Lao rin ang mamumuno sa national team commission, kasama sina Bo Perasol bilang kinatawan ng UAAP, Victor Calvo ng NCAA, Sherwin Malonzo ng PVL at Dr. Ian Laurel ng Shakey’s Super League.
Nagkaroon din ng pagbabago sa pamamahala ng mga koponan. Papalitan ni Ma. Carlota Celda, team coordinator ng Creamline, si Ronwald Kris Dimaculangan bilang team manager ng Alas Pilipinas Men. Si Jaime Ascalon naman ang hahalili kay Hollie Reyes sa women’s team.
Itinalaga rin si Juanito Gregorio bilang deputy executive director upang tumulong kay Suarez sa mga gawaing administratibo ng federasyon.
Samantala, pinag-aaralan ng PNVF ang pagbuo ng Athletes Commission na bubuuin ng mga kasalukuyan at dating miyembro ng national team.
Sa beach volleyball naman, magsisilbing pangunahing sponsor ng national teams ang Rebisco kasunod ng pagkakamit ng bronze medal ng women’s pair sa Asian Games sa Nagoya.
Ayon kay Suarez, layunin ng mga pagbabago na magkaroon ng mas maayos, episyente at responsable na pamamalakad habang pinatitibay ang kakayahan ng mga pambansang koponan na makipagsabayan sa ibang bansa.
“These executives bring not only high-level capability, work ethic, and wisdom, but also an unwavering commitment to driving Philippine volleyball to greater heights,” ani Suarez.
“We are confident that we have the right people, the right vision, and the right strategy to build a national sports federation fully capable of bringing glory to the country on the international stage.”