UAAP: TIGERS NILAPA ANG TAMARAWS
BUMAWI mula sa maagang pagkakaiwan ang University of Santo Tomas Growling Tigers upang pataubin ang Far Eastern University Tamaraws, 81-69, sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Mula sa 28-41 deficit sa first half, nag-init ang opensa ng UST sa third quarter sa pangunguna nina Andrew Chio, Mark Llemit at Amiel Acido upang maagaw ang 56-46 kalamangan.
Hindi naman nagpadaig ang FEU at bumawi sa fourth quarter. Isang three-pointer ni Luke Felipe ang nagbigay sa Tamaraws ng 60-59 bentahe, bago nagpalitan ng puntos at kalamangan ang dalawang koponan.
Naitabla ni Mo Konateh ang iskor sa 69-all matapos ang isa pang tres, ngunit doon na tuluyang kumawala ang Growling Tigers.
Nagpasok sina Acido, Collins Akowe at Llemit ng mahahalagang puntos sa loob upang itayo ang 75-69 kalamangan ng UST. Sinelyuhan naman nina Llemit at Akowe ang panalo sa pamamagitan ng kanilang mga free throw.
Nanguna si Llemit sa UST na may 18 puntos, kabilang ang 12 sa second half, upang wakasan ng Tigers ang kanilang dalawang sunod na pagkatalo at umangat sa 3-3 kartada.
Nagposte si Akowe ng double-double na 14 puntos at 19 rebounds, habang naghatid naman ng career-high na 14 puntos ang rookie na si Chio. Nagdagdag si Acido ng 12 puntos.
Nanguna para sa FEU si Konateh na may 18puntos at 13 rebounds. Nag-ambag naman sina Jorick Bautista ng 14 puntos at Kirby Mongcopa ng 12. Nahulog ang Tamaraws sa 4-2 kartada.