PROTEKSIYON SA MGA BATA LABAN SA MGA BANTA SA ONLINE TINIYAK NG PNP
MULING pinagtibay ng Philippine National Police, sa pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang matibay nitong paninindigan na protektahan ang mga bata laban sa lumalalang mga banta sa online sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga indibidwal at grupong nagsasamantala sa mga menor de edad gamit ang mga digital platform.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa kanyang ika-5!State of the Nation Address (SONA), at sa paggabay ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, na paigtingin ang mga hakbang ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga batang Pilipino laban sa mga banta sa online, karahasan, pagsasamantala, at iba pang mapaminsalang digital na nilalaman.
“We in the PNP want nothing more than to ensure the safety of our children. As threats continue to evolve, we remain committed to protecting them from all forms of harm, particularly those facilitated through online platforms,” ani PGEN Nartatez.
Sa kanyang SONA, nanawagan ang Pangulo ng whole-of-society approach o sama-samang pagkilos ng buong lipunan upang maprotektahan ang mga batang Pilipino laban sa marahas na online content, nakalalasong impluwensya ng social media, pornograpiya, at fake news.
Ayon sa Pangulo, ang mga banta sa online ay nag-aambag sa iba’t ibang suliraning panlipunan, kaya hinimok niya ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at mga pamilya na magtulungan upang mapangalagaan ang kabataan.
Bilang tugon, iniutos ni PGEN Nartatez sa PNP na paigtingin ang intelligence monitoring at mga operasyon laban sa mga sindikatong sangkot sa online sexual exploitation of children, gayundin sa mga grupong nagpapakalat ng extremist content na tumatarget sa mga menor de edad.
“I have instructed the Anti-Cybercrime Group to step up surveillance and intensify operations against groups behind the online indoctrination of children into extreme violence and radicalism,” aniya.
Patuloy ring pinalalakas ng PNP ang pakikipag-ugnayan nito sa mga social media platform at iba pang katuwang na ahensiya bilang bahagi ng kampanya upang mapigilan ang pagkalat ng mapaminsalang online content at matukoy ang mga digital network na nagsasamantala sa mga bata.
Binigyang-diin ni Nartatez na ang pangangalaga sa mga menor de edad ay nangangailangan ng aktibong pakikilahok ng mga pamilya at komunidad. Aniya, ang mga magulang at tagapag-alaga ang unang linya ng depensa laban sa mga banta sa online.
“We call on parents and guardians to help us in this fight by closely monitoring behavioral changes in children who may be victims of online manipulation that promotes violence,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ng PNP na pinag-aaralan nito ang panukalang ipagbawal ang paggamit ng social media ng mga menor de edad. Ayon kay Nartatez, sinusuri ng pulisya ang mga umiiral na polisiya sa mga karatig-bansa upang matukoy kung maaari itong magsilbing batayan sa pagpapatupad ng kahalintulad na polisiya sa Pilipinas.