Overtime

UAAP CROWN BALIK SA LA SALLE

18 December 2025

NABAWI ng De La Salle University Green Archers ang korona sa UAAP men’s basketball matapos na igupo ang University of the Philippines Fighting Maroons, 80–72, sa do or die Game 3 ng Season 88 Finals kagabi sa Araneta Coliseum.

Sa harap ng 24,339 crowd, naging dikdikan ang laban ng dalawang magkaribal, na nagtala ng 16 lead changes  —patunay ng tindi at bigat ng laban para sa titulo.

Sa huling dalawang minuto ng laro, pasiklab si Vhoris Marasigan para sa La Salle matapos umiskor ng limang sunod na puntos na bumasag sa 66-66 pagtatabla at nagbigay sa Green Archers ng 71–67 bentahe.

Tinapos ni Marasigan ang laro na may 10 puntos, bilang pagbawi matapos sumablay sa posibleng game-winning three-pointer sa Game 2.

Pinangunahan ni Michael Phillips ang kampanya ng La Salle sa isang nangingibabaw na performance sa loob, nagtala ng 25 puntos at 18 rebounds upang hiranging Finals MVP sa kanyang huling laro suot ang berdeng uniporme.

Nanguna para sa UP si Rey Remogat na may 21 puntos, habang nag-ambag si Francis Nnoruka ng double-double na 16 puntos at 15 rebounds.

Tinuldukan ng titulo ang isang masalimuot na season para sa La Salle, na hinarap ang sunod-sunod na pagsubok, kabilang ang MCL injuries nina Kean Baclaan at Mason Amos bago sila muling nakabalik sa playoffs.

Pumang-apat lamang ang Green Archers matapos ang elimination round bago pinatalsik ang Ateneo at lampasan ang top seed na National University sa kabila ng twice-to-beat disadvantage.

Bahagi rin ng matagumpay na kampanya ng La Salle ang pag-usbong ni Jacob Cortez bilang maaasahang sandata sa mahahalagang sandali, na tumulong sa pagbabalik ng Green Archers sa tuktok ng UAAP men’s basketball.

Iskor:

DLSU (80) – Phillips 25, Amos 11, Marasigan 10, Cortez 9, Abadam 9, Baclaan 8, Macalalag 4, Pablo 4, Gollena 0.

UP (72) – Remogat 21, Nnoruka 16, Torres 11, Abadiano 7, Alarcon 6, Stevens 6, Bayla 3, Alter 2, Fortea 0, Belmonte 0, Yñiguez 0, Palanca 0.

Quarterscores: 19-16, 40-41, 58-59, 80-72.