Nation

37K PULIS IKAKALAT SA PAGBUBUKAS NG KLASE

/ 8 June 2025

AABOT sa 37,000 pulis ang ikakalat  sa bisinidad ng mga paaralan sa buong bansa sa pagbubukas ng klase sa June 16, ayon sa Philippine National Police.

Sinabi ni PNP Spokesperson Brigadier Gen. Jean Fajardo na inabisuhan na ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre ang buong puwersa na paghandaan ang pagbubukas ng klase.

Bilang tugon, sinabi ni Fajardo na handa ang mga pulis para sa nasabing academe activity.

Bukod sa 5,000 ilalagay sa  mga Police Assistance Desk sa mga paaralan, magtatalaga rin ng  Police Mobile at Foot Patrollers malapit sa mga eskuwelahan maging sa mga daraanan ng mga estudyante, guro at school worker.

Samantala, itinaas ang seguridad sa Northern Mindanao sa pagbubukas ng klase.

Ipinag-utos na ni Police Region Office -10 Director Brigadier General Jaysen de Guzman na bantayan  ang mga strategic area, gaya ng mga paaralan, transport terminal, airport, seaport, mall, business center, at iba pang lugar na puntahan ng maraming tao.

Una nang inanunsiyo ng Department of Education na magbubukas ang klase sa nasabing petsa at matatapos ang School Year 2025-2026 .sa March 31, 2026.