KADETE PATAY SA PARUSA NG INSTRUCTOR
DAHIL sa aksidenteng pag-like sa message sa group chat, isang kadete ng maritime academy ang nasawi nang parusahahan ng kanyang instructor sa Canlubang, Calamba City, Laguna.
Kinilala ang biktima na si Cadet Vince Andrew Delos Reyes, 19, tubong Baco, Oriental, Mindoro at student cadet sa NYK-TDG Maritime Academy sa Canlubang.
Sa inisyal na report ng Calamba City police, naganap ang insidente nitong Lunes, July 8, kung saan matapos kumain ng hapunan, kasama ng biktima ang apat pang kaklaseng kadete at nagpapahinga na sa kanilang barracks nang ipatawag ito ng kanilang instructor dahil umano sa nagawa nitong offense.
Aksidente kasing nakapag-react ng thumbs-up ang biktima sa kanilang conversation sa messaging group chat ng mga kadete.
Bilang parusa, pinag-physical exercise ito ng kanyang instructor, subalit sa katagalan, nakaramdam ito ng pangangapos ng hininga hanggang sa tuluyang mahimatay.
Agad itong binigyan ng CPR subalit dahil sa panghihina ng pulso ay isinugod na ang kadete sa ospital.
Gayunman ay idineklara itong dead on arrival sa Global Care Medical Center Canlubang.