Overtime

GILAS PILIPINAS MASUSUBUKAN VS TAIWAN

MASUSUBUKAN ang lakas ng Gilas Pilipinas team na sasabak sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa pagharap sa bisitang Taiwan Mustangs sa Lunes, Hunyo 24.

24 June 2024

MASUSUBUKAN ang lakas ng Gilas Pilipinas team na sasabak sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa pagharap sa bisitang Taiwan Mustangs sa Lunes, Hunyo 24.

Ang dalawang koponan ay magsasalpukan sa alas-6 ng gabi sa Philsports Arena sa isang friendly na bubuksan sa publiko ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).

Ang nationals ay galing sa tatlong araw na closed-door training camp sa Inspire Sports Academy sa Laguna bilang paghahanda para sa July 2-7 Paris Olympic qualifier sa Latvia.

Ang Mustangs, na kasalukuyang kumakampanya sa The Asian Tournament, ay ginagabayan ni dating Rain or Shine mentor Chris Gavina at pinangungunahan nina ex-PBA players Alex Cabagnot at Rashawn McCarthy kasama si import, veteran 7-foot-6 Sam Deguara.

Nauna rito ay nakuha ng Taiwan-based team ang playing rights kina dating NBA stars Dwight Howard, DeMarcus Cousins, at Quinn Cook, subalit hindi pa sila makapaglalaro para sa Mustangs.

Magkakasya si head coach Tim Cone sa hindi kumpletong roster para sa qualifier sa pagkawala nina Scottie Thompson, AJ Edu, at Jamie Malonzo dahil sa injuries.

Ang laro kontra Mustangs ang magiging tanging tune-up match ng Gilas sa home soil dahil aalis na ito patungong Europe sa Martes para sa pares ng exhibition matches.

Makakasagupa ng mga Pinoy ang Turkey sa June 27 na susundan ng Poland sa 29th.

Mula roon ay tutuloy sila sa Latvia para sa qualifiers, kung saan una nilang makakabangga ang host country sa July 3, na susundan ng Georgia sa susunod na araw sa Group A.

Ang isa pang grupo ay binubuo ng Cameroon, Brazil, at Montenegro.

Ang top two teams mula sa bawat grupo ay uusad sa crossover semis,

bago magharap ang dalawang magwawaging koponan para sa isa sa apat na nalalabing berths sa basketball para sa Paris Games.