PAGTUTURO SA MGA BULAG NA MAG-AARAL INIHAHANDA NA RIN SA DISTANCE LEARNING
MALAKING hamon para sa Department of Education ang paghahanda para sa mga visually im-paired student para sa distance learning.
Ayon kay Lench Ann Perilla, isang special education teacher, kakaiba ang kanilang paghahanda para sa October 5 online class opening dahil hindi ordinaryo ang kanilang mga mag-aaral.
Sa online class ay kinakailangang nakakakita at nakaririnig subalit sa SPED gaya ng mga bulag na estudyante ay espesyal din ang kanilang learning materials at module na gagamitin.
Kaya naman mahigit isang linggo bago ang class opening ay puspusan ang pagdalo ni Teacher Lench Ann sa webinars kasabay rin ang paggawa ng sariling learning materials habang may sinusunod na modules.
Isa sa mga learning material na ginagamit ng mga visually impaired student ay ang braille alphalbet o sa pamamagitan ng pagkapa sa mga alpabeto upang makasulat ang mga mag-aaral na bulag o kaya naman ay makapagbaybay.
Makaraang gumawa ng learning materials ay isa-isang ihahatid o kaya naman ay ipade-deliver ni Teacher Lench Ann sa mga bahay ng kanyang mga estudyante ang learning materials.
Sinabi pa ng guro na malaking hamon para sa kanila at maging sa learners ang distance learning subalit malaki ang maitutulong ng mga magulang para maging matagumpay ang pag-aaral.
Umaasa rin si Teacher Lench Ann na magiging maayos at madali para sa SPED ang distance learning at malaking kontribusyon ang kooperasyon ng learners at ng mga magulang.