KAUNA-UNAHANG TIMPALAK SA TULANG SENYAS, SINIMULAN NG KWF!
Sinimulan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang Timpalak sa Tulang Senyas, ang kauna-unahang patimpalak sa pagtula sa pasenyas na paraan sa buong Pilipinas. Itinataguyod ito ng KWF na naglalayong palaganapin ang Filipino Sign Language (FSL) bilang tunay na wika, pagsulong ng Filipino Deaf culture sa pamamagitan ng panitikan, kilalanin at bigyang-puwang ang di-matatawarang kakayahan at husay ng mga kababayang Deaf, at makapag-ambag sila sa panulaang Filipino ng kanilang obra sa pamamagitan ng pasenyas na pagtula.
Bukás ang timpalak sa lahat ng mga Filipino citizen na matatas sa FSL, babae man o laláki sa buong mundo, maliban sa kawani na ng KWF at kanilang mga kaanak. Maaaring lumahok sa isa sa dalawang kategorya ng timpalak, ang Bingi o Hard-of-Hearing at Hindi Bingi.
Ang entring ipapása ay isang tulang senyas na hindi bababa sa dalawampu’t apat na taludtod o linya at hindi lalagpas sa apatnapung taludtod o linya. Kinakailangang may pamagat ang ipapásang koleksiyon. Ang paksa ng tula ay salig sa tema ng Buwan ng Panitikan 2023 na “Kultura ng Pagkakaisa: Pagsisiyasat ng Pagkakaisa sa Pamamagitan ng Panitikan.” Ang ipapásang tula ay malayà (walang tugma at súkat).
Ang lahok ay kailangang orihinal at isesenyas gámit ang Filipino Sign Language (FSL), hindi salin ng nalathala nang tula, at hindi pa nasesenyas at nalalathala sa alinmang platform. Ang sinumang mahúli at mapatunayang nagkasála ng pangongopya ay kakanselahin ng KWF ang ipinagwaging lahok nitó sa timpalak at hindi na muling makasasali pa sa alinmang timpalak ng KWF.
Ang hulíng araw ng pagsusumite ng lahok ay sa 13 PEBRERO 2023, 5:00 nh. Hindi na mauurong ang araw ng pagsusumite.
Pára sa karagdagang detalye, mag-text o tumawag sa 0928-844-1349 o mag-email sa [email protected].