SAN BEDA WALANG TUITION HIKE, MISCELLANEOUS FEES BUMABA
TUMUGON na ang San Beda University Administration sa liham na ipinadala ng San Beda Student Council noong Hulyo kaugnay sa agam-agam ng mga mag-aaral at magulang sa matrikula at sa hiling na alisin ang miscellaneous fees.
“We did not implement any tuition increase this academic year 2020-2021 and we have either removed or reduced miscellaneous fees and other fees across the different academic programs offered by the university resulting to a decrease of 25% to 48% depending on your academic unit, compared to the previous academic year,” pahayag ng San Beda sa tugong-liham.
Ang desisyong hindi magtaas ng matrikula ay dahil sa pagnanais ng unibersidad na makapaghatidng aksesibol at dekalidad na Katolikong edukasyon sa bansa sa kabila ng palalang kaso ng Covid19.
Kahit pa ninanais nilang pababain pa ang matrikula, mayroon pa rin umanong pangangailangang sustenahin ang mga pasilidad kahit na walang face-to-face classes. Gayundin, ang suporta sa mga pakuldad, non-teaching staff, at iba pang mga kawani ay nararapat na ipagpatuloy.
Isa-isa namang ipinaliwanag ang mga nakalistang ‘other fees’ sa assessment ng mga mag-aaral.
Ang library fee, kung bakit relebante pa rin, ay para sa upgrade at tuloy na subskripsiyon ng San Beda sa libo-libong e-journals, e-books, e-magazines, e-newspapers, at iba pang e-resources ng iba’t ibang kurso.
Tinitiyak ng unibersidad na ang mga nag-enroll ay magkakaroon ng sari-sariling kopya at mababasa nila ang buong database mula sa kani-kanilang mga tahanan.
Ang Athletics Fee ay tugon sa maintenance at mga gastusin para maiwasan ang pagkasira ng mga pasilidad.
Ang Medical at Dental Fee naman, bagaman sa isang iglap ay hindi naman magagamit ng kalakhan
dahil nasa bahay ang mga mag-aaral, ay ilalagak sa mga kagamitan ng mga nars at doktor na patuloy na papasok sa klinika upang maghatid ng serbisyo sa mga kawaning personal na nag-uulat sa San Beda.
Ilan pa sa mga tinugunan ng liham ang mga tanong hinggil sa registration fee, computers fee, guidance fee, energy fee, ID card fee, exam booklet fee, psychological testing and career testing fee, handbook fee, NSTP fee, at student council fee.
Ang laboratory fee, sa kabilang banda, ay ipinataw lamang sa mga mag-aaral ng College of Arts and Sciences (Biology) at college of Nursing. Badget ito sa pagbili ng Labster Virtual Laboratory at sa mga materyal na kakailanganin ng mga pakuldad na gagamit pa rin ng laboratoryo sa samu’t saring eksperimentong maaaring mapanood ng mga mag-aaral.